Sen. Win Gatchalian, kinuyog ang COA sa Flood Control Anomaly

Sen. Win Gatchalian, kinuyog ang COA sa Flood Control Anomaly

SA pagpapatuloy ng pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee kaugnay sa maanomalyang flood control projects, binusisi ni Sen. Win Gatchalian ang isang proyekto sa Calumpit, Bulacan kung saan umabot agad sa 89 porsiyentong completion matapos lamang ang labing limang araw mula nang ibigay ang Notice to Proceed.

Para kay Gatchalian, imposibleng matapos agad ang halos buong proyekto sa ganoong kaikling panahon.

“Mayroon pong isang project ito po ‘yung—Construction of River Banks Protection Structure along Pampanga River at Barangay Bulusan, Calumpit, Bulacan. 15 days after the Notice to Proceed, 89% completed na, and then in just 34 days kumpleto na ‘yung projects. Nakita niyo ho ito?” ani Sen. Win Gatchalian.

Dagdag pa ng senador, nakapagtataka kung bakit umabot pa ng dalawang taon bago lumabas ang iregularidad, gayong may mga resident auditors ang Commission on Audit (COA) na dapat ay nakakakita ng ganitong klase ng anomalya.

“Ang punto po namin: ‘Ibalik ang tiwala sa COA,’ because in many of our organizations, COA talaga ang safeguard doon sa local government. COA din, even in the barangay COA, pero ito, hindi ako naniniwala na makakalampas to sa COA kung hindi ho kasali sa modus,” dagdag ni Gatchalian.

Sagot naman ni COA Supervising Auditor Tracy Ann Sunico, hindi lahat ng supporting documents ay naisumite sa kanilang tanggapan kaya kinailangang maglabas ng Notice of Disallowance sa ilang transaksiyon. Iginiit din niya na kulang ang kanilang manpower para agad masuri ang lahat ng proyekto ng DPWH.

“Kaya nga po napilitan po ‘yung auditor na mag-disallow ng mga transactions ng Bulacan First DEO kasi hindi po lahat na submit yung mga transactions document,” saad ni Tracy Ann Sunico, Supervising Auditor ng COA.

Ngunit para sa senador, hindi sapat na dahilan ang kakulangan ng tao upang palusutin ang ghost projects. Giit niya, posibleng may mga kasabwat din sa loob ng COA kaya nakalusot ang mga iregularidad.

“Bakit walang aksyon ang end bank, bakit walang aksyon ‘yung commissioner kung na-detect na nila, lalo na ganito—we’re talking about billions, billions ang perang nawawala, at ang pinag-uusapan natin dito ay ghost projects. What we want ay maimbestigahan din yung COA resident auditor kasi kung hindi, mawawalan po kami ng kumpiyansa sa COA,” dagdag ni Gatchalian.

Paalala ni Senador Gatchalian, ang COA ang huling safeguard sa paggamit ng pondo ng bayan. Kapag nabigo ang ahensiya sa kanilang mandato, tuluyang mawawala ang tiwala dito ng publiko.

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble