PINABULAANAN ng Department of Health (DOH) ang akusasyon na double payment sa Procurement Service ng Department of Budget and Management (PS-DBM) para sa pagbili ng kaparehong set ng Personal Protective Equipment (PPE).
Matatandaang nitong Martes ay ginisa ng mga senador si Health Secretary Francisco Duque III.
Alegasyon ng mga mambabatas matapos maglipat ng pondo ang DOH sa PS-DBM para sa pagbili ng pandemic supplies, ibinenta ng procurement service ang mga nabiling kagamitan sa kagawaran kung kaya’t doble na ang naging pagbayad.
Sa isang pahayag, nilinaw ng DOH maliban sa kailangan nilang bumili ng bulto-bultong full set ng PPE para sa mga high-risk settings, kailangan din nilang bumili ng hiwalay na loose surgical masks at face shields para sa mga healthcare workers sa low-risk settings.
“DOH needed to procure full sets of PPEs in bulk as well as order loose surgical masks and face shields separately to protect healthcare workers in both high and low-risk settings,” pahayag ng DOH.
Saad ng kagawaran ang PS-DBM ay may virtual store na kapareho sa mga online shopping platform, kung saan available ang mga common-use supplies and equipment tulad ng PPE para bilhin ng national government agencies at ng mga local government unit.
Ayon sa DOH ang mga order sa naturang virtual store ay nakukuha agad ng procuring agency.
Bumili anila ang kagawaran ng mga loose face shield at surgical mask dito para agad ring madagdagan ang PPE supplies na kailangan ng mga healthcare workers na nasa low-risk settings.
“The DOH scanned the PS-DBM virtual store and purchased loose face shields and surgical masks, which were readily available, to immediately augment PPE supplies for healthcare workers in low-risk settings,” ayon sa DOH.
Dagdag ng DOH, ang pagbili ng bulto-bultong 9-piece na PPE set ay matagal pa naidedeliver.
BASAHIN: Imbestigasyon ng senado sa DOH, pamumulitika lang– Pangulong Duterte