INANUNSYO ng Department of Education (DepEd) na inaprubahan na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pilot test ng face to face classes.
Sinabi ng DepEd na gaganapin ang limited face to face classes sa mga lugar na mayroon lamang mababang kaso ng COVID-19.
Sa inanunsiyo ni Education Secretary Leonor Briones sa isang pulong balitaan sa Malakanyang, inaasahang sisimulan ang pilot testing ng face to face classes in 2 months time.
“So in two months’ time hinahanda na pati ang curriculum, etcetera. Kasi matagal na namin itong pinag-iisipan at alam namin kung anong ginagawa din sa ibang bansa,” pahayag ni Secretary Briones.
Hindi pa aniya makapagbigay ang DepEd ng eksaktong petsa kung kailan iimplementa ang pilot face to face classes dahil ngayong araw lang naglabas ng desisyon si Pangulong Duterte ukol dito, ganoon pa man, tiniyak ng kagawaran na maisasagawa ito kaagad.
Pahayag pa Briones, lilimitahan lang muna sa 100 paaralan ang gagawing face to face classes.
Karagdagang 20 pribadong eskwelahan naman ang nasa ilalim ng joint validation ng DepEd at Department of Health (DOH).
DepEd, inilatag ang mga panuntunan para sa implementasyon ng pilot test ng face-to-face classes
Batay naman sa itinakdang mga panuntunan para sa limitadong physical classes, maisasagawa lamang ito sa lugar na nasa kategoryang ‘minimal risk’ o mababa lamang ang kaso ng coronavirus at kapag papasa sa safety assessment ng DepEd ang area kung saan gagawin ang klase.
Bukod dito, dapat may pahintulot din ito mula sa lokal na pamahalaan at kailangan din ng written consent na galing sa mga magulang ng mga estudyanteng sasali sa face to face classes.
Kinakailangan ding handa ang mga pasilidad ng DepEd para sa requirements na itinakda ng Inter Agency Task Force at ng DOH.
Nakasaad din sa guidelines na sa Kindergarten, 12 mag-aaral lamang ang maaaring magtungo nang pisikal sa klase.
Sa Grade 1 hanggang 3, nasa 16 lamang ang papayagan habang lilimitahan sa 20 ang mga nasa hanay ng technical- vocational learners.
Pagdating naman sa teaching and learning approach, ang kinder garten hanggang Grade 3 ay 3 hours maximum lamang ang klase habang 4 hours maximum naman sa senior high school.
Kaugnay nito, tiniyak ng DepEd na nakahanda na ang ang mga guro na magpa-participate sa pilot physical classes.
Saysay ni Briones, ilang buwan din itong pinag-uusapan ng nasa sektor ng edukasyon kung papaano ito i-implementa lalo’t napakasensitibo ng naturang isyu.
Nagpahayag naman ng sagot ang kalihim pagdating sa kung iri-require ng DepEd na vaccinated lang ang magtuturo sa face to face.
“Right now, nag-express na ng opinion during the IATF meeting ang Secretary of Justice which was also affirmed by the Department of Health na it is not going …the vaccination is not going to be mandatory but voluntary. And what the Secretary of Justice said, and Spox is here, was that Congress has to pass a law – maalala mo, Spox, na sinabi ni Secretary of Justice, magpasa muna ng batas ang Kongreso which will make vaccination mandatory,” ayon kay Briones.
Kaugnay dito, inihayag ng Malakanyang na kinakailangan nang mag-pilot ng face-to-face dahil ito ay hindi lang para sa pagtugon sa isyu ng edukasyon, kundi maging sa ibang sektor din ng lipunan.
“Issue na rin po ito ng health, mental health ng atin mga kabataan at issue na rin po ito ng ekonomiya kasi baka mayroon tayong henerasyon na mawala ano dahil wala po tayong face-to-face ‘no,” pahayag ni Secretary Harry Roque, Presidential spokesperson.
Bukod sa nabanggit na mga panuntunan, sinabi ng DepEd na may mga dagdag pang guidelines na ilalabas si Pangulong Duterte.
Pahayag naman ng Palasyo, ang pilot face-to-face ay isang maliit na hakbang pabalik sa pamumuhay bago ang pandemya, kaya importante, sabi ng Malakanyang ang pagkakapit-bisig at pagtutulungan.