IPINANAWAGAN ni Representative Eric Yap kay Pangulong Rodrigo Duterte na pagbigyan ang pagtakbo ni Davao City Mayor Inday Sara sa pagkapangulo sa 2022 national elections.
Ayon sa mambabatas, si Mayor Sara lamang ang bukod tanging may kayayahan para ipagpatuloy ang mga nasimulan ng pangulo.
Sa panayam ng SMNI News, binigyang-diin ni Yap na kung maaari lang sana na kumandidato muli si Pangulong Duterte bilang pangulo sa 2022 ay mas maganda subalit alinsunod nga sa batas, wala na syang nakikita pang Duterte-like leadership kundi sa katauhan lang ni Mayor Inday Sara.
Ibinahagi pa ni Yap na wala pang ibang presidente ang nagdala ng pagbabago sa Pilipinas halimbawa sa larangan ng krimen kundi si Pangulong Duterte lang.
Malaking tulong aniya ito para sa turismo dahil mas magkakaroon ng tiwala ang mga foreigner sa kaligtasan nila sa bansa.
Ito ani Yap ang iilang mga punto na nakikita nyang maitataguyod na adbokasiya ni Mayor Inday Sara kung tatakbo ito bilang pangulo.
Samantala, suportado ni Yap si Pastor Apollo C. Quiboloy ng The Kingdom of Jesus Christ laban sa inihain na libel case ni Senator Manny Pacquiao sa kanya.
Ayon kay Yap, bilang politiko, mawawala ang demokrasya ng bansa kung lahat na bumabatikos ay sasampahan ng libel case.
Ang dapat gawin aniya, patunayan nalang ng isang politiko sa pamamagitan ng gawa ang lahat na tama o hindi tama na batikos laban sa kanya.
“On record, I strongly support Pastor Quiboloy sa cases niya na sinampa ni Manny Pacquiao sa kanya. Sir, ako po bilang congressman pa lang po napakarami kung batikos na tinanggap po. Whether it be true or not true, eh marami po. Being a pulitiko comes with a territory. Pero kung lahat naman ng batikos sa akin eh sasampahan ko ng libel cases, eh parang wala nang democracy,” ayon kay Senator Yap.
BASAHIN: Hugpong Para kay Sara, inilunsad para himukin si Davao Mayor Sara na mag-presidente sa 2022
