KINONSIDERA bilang magandang ideya ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang pagtakbo bilang bise presidente sa 2022 national and local elections.
Ito ang inihayag ni Pangulong Duterte sa kanyang talumpati sa Malacañang.
Aniya, marami sa mga tao ang nais siyang tumakbo at maganda aniya ito para maipagpatuloy ang laban kontra droga.
Bukod pa rito, inihayag ni Pangulong Duterte na marami pa itong nais ipagpatuloy na mga gawain lalo na sa pagtanggal ng mga kurakot na opisyal at ipagpatuloy ang pagresolba sa iba pang problema sa bansa.
Subalit, ani Pangulong Duterte, hindi pa rin siya marahil sasabak sa vice presidential race, bagkus, susuportahan niya si House Majority Leader Martin Romualdez kapag tumakbo ito sa pagka-bise presidente sa eleksyon sa susunod na taon.
Maaga pa para mag-desisyon sa pagtakbo sa pagkapangulo sa 2022 nat’l elections
Samantala, inihayag ni Davao City Mayor Sara Duterte na wala pa siyang pinal na desisyon para sa pagtakbo sa pagka-pangulo sa 2022 national elections.
Aniya, hanggang Oktubre 8 pa ang deadline ng filing of candidacy.
Matatandaang, base sa Commission on Elections (COMELEC), ang filing of candidacy ng pagka-pangulo at bise pangulo ay sa Oktubre 1 hanggang Oktubre 8.
Inihayag ni Mayor Sara na siya ay dumalo sa pagdiriwang ng kaarawan ng pumanaw na si late Senator Miriam Defensor Santiago kaya naririto siya sa Manila.
Kaugnay nito, si Mayor Sara ang nangungunang napupusuan ng mga Pilipino sa pagka-pangulo base sa Pulse Asia survey.
