Educational tourism sa pagitan ng Pilipinas at Japan, isinusulong ni PBBM

Educational tourism sa pagitan ng Pilipinas at Japan, isinusulong ni PBBM

ISINUSULONG ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. ang educational tourism sa pagitan ng Pilipinas at Japan.

Nakipagpulong si Pangulong Marcos sa Japanese tourism stakeholders kung saan napag-usapan nila ang pagpapatuloy ng kooperasyon na tutulong sa paglago ng turismo ng dalawang bansa.

Ibinahagi ni Pangulong Marcos ang plano ng Philippine government na nakatutok sa pagkakaroon ng exchange program para sa sektor ng turismo.

Tututukan aniya nito ang pagkakaroon ng palitan ng mga estudyante at mga propesyonal mula sa mga tourism-related institution.

PBBM, hinihikayat ang mga estudyante sa Japan na mag-aral ng Ingles sa Pilipinas

Sa isang roundtable meeting kasama ang mga tourism stakeholder sa Tokyo, Japan, araw ng Huwebes, hinikayat din ni Pangulong  Marcos ang mga estudyante sa Japan na mag-aral ng Ingles sa Pilipinas.

Sa ilalim ng kanyang administrasyon, itinuturing ni Pangulong Marcos ang industriya ng turismo bilang higit pa sa pagiging isang promotion arm ng gobyerno.

Sa panahon ng pre-pandemic, sinabi ni Pangulong Marcos na ang turismo ay nag-ambag ng 12.9 porsiyento, o malapit sa 13 porsiyento ng gross domestic product (GDP) ng bansa.

“We are banking on this potential to reshape the industry to be one of the key economic drivers of the country. We are well on our way to recovery, this I assure you, with more than 2.65 million foreign visitors we have welcomed last year, that’s exceeding the initial target of 1.7 million,” pahayag ni Pangulong Marcos.

Matatandaan na sa kanyang unang State of the Nation Address (SONA), tinukoy ng Pangulo ang turismo bilang isa sa mga pangunahing prayoridad ng kanyang administrasyon.

Kaugnay rito, pinasalamatan naman ni Tourism Secretary Christina Garcia-Frasco si Pangulong Marcos sa paglalaan ng panahon na magkaroon ng pulong kasama ang Japanese stakeholders.

PBBM, tiniyak sa Japanese investors ang ‘upskilling’ at ‘reskilling’ ng Pinoy workers

Samantala, nangako si Pangulong Marcos sa mga Japanese investor na mas paiigtingin ng gobyerno ng Pilipinas na hubugin pa ang mga manggagawang Pilipino na mas maging mahusay pa sa kanilang mga trabaho.

Ito’y sa pamamagitan ng upskilling at reskilling programs.

Ito’y upang manatiling ‘competitive’ ang Pinoy workers sa ilalim ng bagong pandaigdigang ekonomiya at pag-unlad ng teknolohiya.

Ginawa ni Pangulong Marcos ang naturang pahayag sa ginanap na roundtable discussion kasama ang semi-conductor, electronics at wiring harness companies sa Japan.

Ayon kay Pangulong Marcos, ito ay isang bagay na dapat paghandaan ng Pilipinas.

Ani pa ng Pangulo, kumpiyansa siya na sa wastong pagsasanay at tulong ng mga manggagawang Pilipino, ang Pilipinas ay tiyak na makapaghahatid ng technical manpower, na kakailanganin para sa bagong ekonomya.

Kaugnay rito, nagbigay rin ng mga tiyak na sagot ang mga miyembro ng gabinete na kasama ng Pangulo sa pagtugon sa mga isyung ipinarating ng Japanese companies.

Kabilang dito si Trade and Industry Secretary Alfredo Pascual.

Inihayag pa ni Pangulong Marcos na nilalayon ng Pilipinas na maging isang regional hub para sa printers, wiring harnesses at iba pang electronic goods.

Follow SMNI NEWS in Twitter