Ethics complaint ng grupong Wag Kang Kucorrupt na inihain sa Senate Committee on Ethics noong Pebrero 25 ang hinihiling ng kampo ni Sen. Bato dela Rosa na tuluyang ibasura. Pinamumunuan ang komite ni Sen. Tito Sotto.
Giit ng kampo na kulang ang reklamo sa porma, nilalaman nito at hindi malinaw na tinukoy kung anong paglabag ang ginawa ni Dela Rosa na saklaw ng kapangyarihan ng komite.
Kinuwestiyon din ng senador ang pagbanggit sa Civil Service rules tungkol sa habitual absenteeism dahil hindi umano saklaw ng mga ito ang mga miyembro ng Kongreso.
Tinututulan din ng kampo ni Dela Rosa ang kahilingan ng mga nagreklamo na suspendihin ang operasyon ng kaniyang tanggapan habang dinidinig ang ethics complaint.
Kabilang dito ang pagpapahinto sa pagpapalabas ng suweldo ng mga empleyado at pondo para sa iba pang gastusin sa operasyon ng kanyang opisina.
Hinihiling ng mambabatas na pansamantala munang ihinto o ipagpaliban ang pagdinig.
Nais din ng kampo ni Dela Rosa na mabigyan siya ng kopya ng lahat ng dokumento at ebidensiyang gagamitin laban sa kaniya.
Hinihiling din nilang mabigyan ang senador ng pagkakataong dumalo sa pagdinig sa pamamagitan ng kaniyang abogado.
Nauna na ring ipinaliwanag ni Dela Rosa na hindi siya nakadadalo nang personal sa mga sesyon dahil sa banta ng pag-aresto at pagsuko sa International Criminal Court (ICC).
Ipinunto niyang nakabinbin sa Korte Suprema ang usapin sa pagpapatupad ng arrest warrant laban sa kaniya.
Matatandaan, naghain ng resolusyon si Sotto para maisama sa Senate Rules ang pagbabawal sa hindi awtorisadong pagliban ng mga senador.
