Face shield policy, base sa siyensa at hindi interes ng mga negosyante

Face shield policy, base sa siyensa at hindi interes ng mga negosyante

PINANINDIGAN ni Presidential Spokesperson Harry Roque na ang face shield policy sa labas ng bahay ay para sa kaligtasan at hindi para sa interes ng iilang negosyante.

Ayon kay Roque, walang itong alam sa kahit na anong ‘raket’ na kinasasangkutan ng mga face shields at kailangan lamang maniwala ng publiko sa siyensya.

Binanggit ni Roque ang Lancet Journal na may mataas na respeto sa medical field na nagpapatunay na ang pagsusuot ng face shield, face mask at social distancing ay nakapagbibigay ng 97% proteksyon.

Matatandaan na muling idineklara ni President Rodrigo Duterte noong Lunes na mandatory ang pagsusuot ng face shield sa pmapublikong lugar.

Depensa naman ni Roque, ang pagpapalit-palit ng posisyon tungkol sa isyu ng face shield ay hindi na dapat maging isyu dahil kailangan ring maging handa ng bansa sa mga bagong variants ng COVID-19 gaya ng Delta variant na mas nakahahawa.

Samantala, sinabi ni Dr. Ted Herbosa , special adviser ng IATF for the Management of Emerging Infectious Diseases, tinatayang aabot sa kalahating milyong COVID-19 cases ang napipigilan sa pagsusuot ng face shield.

Aminado naman si Dr. Herbosa na minsan na siyang nadapa sa pagsuot nito dahil gaya ng idinadaing ng karamihan, nakasuot din sya ng eyeglasses kasabay ang pagsusuot ng face shield.

Subalit binigyang-diin niya na maaaring tanggalin ito kung may ginagawa lalo na kung delikado pero sakaling nakikipag-usap lang naman, mas mainam aniya na isuot ito para sa karagdagang proteksyon.

(BASAHIN: Pagsusuot ng face shield, mananatiling mandatory — Pangulong Duterte)

 

SMNI NEWS