Duterte, binigyang papuri ang pumanaw na si dating Pangulo Noynoy Aquino

Duterte, binigyang papuri ang pumanaw na si dating Pangulo Noynoy Aquino

NAKI-isa na si Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa pagluluksa ng buong bansa sa pagkamatay ng sinundan nitong dating pangulo na si Benigno “Noynoy” Aquino.

Sa kanyang pahayag, tinawag nitong totoong tagapag-silbi ng mamayang Pilipino ang pumanaw na dating pangulo.

Dagdag ni Duterte, dapat na kunin ang oportunidad na ito upang magdasal at isantabi ang pagkakaiba habang binibigyang respeto ang isang leader na ibinigay ang lahat ng makakaya nito upang pagsilbihan ang sambayanang Pilipino.

Bukod dito ay nagpahatid din ng pakikiramay si Pangulong Duterte sa mga miyembro ng pamilya ng dating pangulo.

Nauna nang nagpahatid ng pakikiramay ang Malacañang sa pamilya ng mga Aquino dahil sa biglaang pagkamatay ng dating Pangulong Aquino na pumanaw sa edad na 61.

Palasyo, nag-alay ng ‘moment of silence’

Nag-alay ng moment of silence ang Palasyo ng Malakanyang bilang pakikiramay sa pagkamatay ng dating pangulo ng Republika ng Pilipinas na si Benigno Simeon Aquino III.

Matatandaang, umupo sa pwesto si Pangulong Noynoy simula 2010 hanggang 2016.

Samantala, nagpapasalamat ang palasyo sa kanyang mga nagawa sa Pilipinas.

Hinikayat naman ng Palasyo ang mga Pilipino na mag-alay ng dalangin para sa pumanaw na dating pangulo.

(BASAHIN: Bandila sa iba’t ibang tanggapan ng pamahalaan, naka-half mast)

Bunsod ng renal disease secondary to diabetes

Kinumpirma na ng Pamilya Aquino ang pagpanaw ni dating Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino.

Ayon sa kapatid ni Aquino na si Pinky Aquino-Abellada, alas 6:30 kaninang umaga ng payapang binawian ng buhay ang dating pangulo habang natutulog.

Nasawi aniya ang dating panngulo dahil sa renal disease secondary to diabetes.

Nagpaabot naman ng pasasalamat ang Pamilya Aquino sa lahat ng mga totoong kaibigan ng dating pangulo.

SMNI NEWS