Globe, nagbabala sa publiko vs scammers na ginagamit ang SIM Card Registration Law

Globe, nagbabala sa publiko vs scammers na ginagamit ang SIM Card Registration Law

NAGBABALA ang Globe sa publiko laban sa mga scammer na ginagamit ang SIM card registration para manloko ng tao.

Ayon kay Anton Bonifacio, ang Globe chief information security officer, sinasamantala ng mga scammer ang bagong batas sa pamamagitan ng pagpapadala ng mapanlinlang na text messages.

Aniya, pinapadalhan ng mensahe ang users na nagsasabing na-deactivate na ang kanilang SIM ngunit pakana lamang ito para makakuha ng personal na impormasyon at makapang-scam.

Inabisuhan din nito ang mga user ng Globe na huwag itong pansinin at agad na isumbong sa kanilang ‘stop scam website’.

Sinabi pa ni Bonifacio na ang SIM registration ay wala pang bisa dahil kasalukuyan pang binubuo ang Implementing Rules and Regulations (IRR) nito.

At sa oras aniya na may IRR na ang batas ay agad naman nilang ipapaalam sa lahat ng Globe at TM customer.

Patuloy namang hinihikayat ng Globe ang mga customer nito na gumagamit ng mga Android device na mag-install ng mga spam filter sa kanilang mga telepono.

 

Follow SMNI News on Twitter