HINDI na pagbabayarin ng buwis at renta ang higit 100 rice retailers sa Marikina.
Maaga pa lang ay nakapila na si Tatay Roberto upang makakuha ng P15-K tulong- pinansiyal mula sa pamahalaang nasyonal.
Kahit papaano aniya ay makakatulong na ito upang mabawi lang ang libu-libong pisong lugi simula nang ipinatupad ang price cap sa bigas.
“Nakukuha namin nang mahal tapos ibebenta nang palugi, P48 ang puhunan tapos ibebenta ng P45. Sacrifice ka talaga, ibang suki mo inaalagaan mo, ayaw mo naman mapunta sa iba kaya alalay lang muna,” ayon sa isang rice retailer sa Marikina Market.
Pasado 10:00 ng umaga, Setyembre 14 ay dumating sa Marikina Convention si Marikina City Mayor Marcy Teodoro kung saan isinagawa ang payout para sa economic relief subsidy sa mga rice retailer.
Isa-isang pinakinggan ng alkalde ang mga hinaing ng mga rice retailer sa pagpapatupad ng price cap.
Ilan sa mga pinu-problema ng mga retailer ay kawalan ng suplay na mapagkukuhan ng murang bigas, hindi rin maganda ang kalidad nito at ang naitalang lugi dahil sa naturang kautusan.
At para maibsan ang problema ng mga retailer, tatlong ordinansa ang pinirmahan ni Teodoro na dagdag na tulong na ipagkakaloob sa mga rice retailer kagaya na lamang ni Tatay Roberto.
Kabilang ang mga sumusunod:
- P5,000 cash assistance para sa mga rice retailer
- Pag-waive o hindi na pagbabayarin ng Marikina LGU ng 3rd at 4th quarter business tax ang mga rice retailer
- Libreng renta sa puwesto sa palengke ng 2 buwan
“Yung rental, ‘yung monthly fees stall ay maipaglalaan na namin sa ibang bayarin, halimbawa sa tubig at sa ilaw doon na namin ipapasok,” ayon sa isang rice retailer sa Marikina Market.
“Yung record natin nasa 149, this will include ‘yung stand-alone rice retailer na may tindahan at tsaka ‘yung mga variety stores mga maliliit na groserya na mayroong tindang bigas,” ayon kay Mayor Marcy Teodoro, Marikina City.
Nasa P6-M ang pondo na inilaan ng alkalde para sa ipapamahaging tulong-pinansiyal.
Kinukonsidera din ng alkalde na palawigin pa ang pagbibigay ng pinansiyal na tulong hanggang sa mga susunod na buwan kung magpapatuloy pa ang price cap.
Pero, batid ng alkalde na pangunahing problema talaga ang suplay ng bigas, kaya naman nakikipag-ugnayan na ang Marikina LGU sa 20 malalaking rice dealers upang matiyak na may sapat na suplay ng bigas.
Isa rin sa opsiyon ng LGU ang pagbili ng bigas sa mga malalaking rice dealer.
“Kanina iniisip ko na puwedeng bilhin ng Marikina, tinitingnan ko lang ‘yung legal basis tsaka gaano ka-valuable. Kaya isasama ko sa agenda sa pakikipag-usap sa malalaking rice dealer, we could buy the bigas o kailangang suplay ng ating mga maliliit na rice retailer lalo na ang mga maliliit o nagtitinda o micro pupuwedeng assistance na ibibigay namin ay posibleng bigas na mismo na bibilhin ng city,” ani Mayor Teodoro.
