Hontiveros, minamanipula ang mga testigo sa Senado —Atty. Topacio

Hontiveros, minamanipula ang mga testigo sa Senado —Atty. Topacio

IBINUNYAG ni Atty. Ferdinand Topacio ng Citizen Crime Watch ang galawan ng opisina ni Senator Risa Hontiveros hinggil sa pagdinig ng Senado sa Pharmally.

Ayon sa abogado, minamanipula umano ng senadora at ng kanyang mga staff ang testimoniya ng mga testigo upang magalit ang mga tao sa gobyerno at kay Pangulong Rodrigo Duterte.

“Lumabas po na, ito po hindi po ako nagsabi nito ha, mga testigo po, yung mga sumumpa ng kanilang mga salaysay na diumano’y minapulate ni Risa Hontiveros at miyembro ng kanyang staff upang magkaroon ng isang tao na magtitestigo ng kasinungalingan laban sa Pharmally at kay Pangulong Duterte, nandun  po yung sedition,” pahayag ni Topacio.

Sinabi pa ni Topacio na makatutulong kay Pharmally Director Linconn Ong kung mapapatunayang ginagamit lang ng Senado ang hearing na isinagawa ng Blue Ribbon Committee para magpalaganap ng kasinungalingan laban sa Duterte Administration.

Sinabi pa ng abogado na ginagamit lang ng ilang mga senador ang pagdinig sa Senado para sa pansariling interes.

Muli namang idiin ni Topacio na hindi dumadaan sa due process ang paghuhukom ng Senado sa kanyang kliyente at mali aniya ang ginagawa ng mga senador na sila ang nagsasabi na mali ang testimonya ng mga isinasalang sa pagdinig dahil trabaho ito ng hukuman.

“Sino ba ang nagdi-determine kung ano ‘yung false or evasive testimony? Dapat po hukuman, hindi po pwedeng mga senador lamang ang nagiging accuser, prosecutor, judge ang executioner all at the same time. ‘Yun po ang aming tinututulan,” ayon pa ni Topacio.

Kahapon, Nobyembre 3 nang maghain ang Pharmally sa pangunguna ni Jaime Vegas at Mark Clarence Manalo ng kasong sedition, subornation to perjury at iba pa laban kay Sen. Risa Hontiveros.

Sa isang complaint affidavit na inihain ni Vegas, sinabi nito na ipinakita ni Veejay Almira sa kanila ang screenshots ng pag-uusap niya sa pagitan ng tauhan ni Sen. Hontiveros.

Kung matatandaan, si Veejay Almira ang siyang tumestigo kamakailan sa Senado hinggil sa maanomalyang pagbebenta ng overpriced pandemic supplies sa pamahalaan.

Ang screenshots umano ay patunay na binayaran lang si Almira para tumestigo at may kinalaman si Sen. Hontiveros sa mga kasinungalingan laban sa Pharmally.

Kasama naman sa mga kinasuhan ay sina Jaye Bekema, Ryan Lazo at mismong si Veejay Almira.

SMNI NEWS