KUMPIYANSA ang Philippine National Police (PNP) na mahuhulog sa kamay ng batas ang iba pang suspek sa pagpatay sa brodkaster na si Percival Mabasa o mas kilala bilang Percy Lapid.
Ito ay matapos sumuko ang umano’y gunman na si Joel Escorial at pangalanan ang iba pa niyang kasabwat.
Ayon kay PNP chief Police General Rodolfo Azurin Jr., tinutugis na ng pulisya ang magkapatid na Edmon at Israel Dimaculangan at isang alyas Orly na sinasabing sangkot sa krimen.
Pinuri naman ni Azurin ang pamunuan ng National Capital Region Police Office (NCRPO) lalo na sa Special Investigation Task Group (SITG) – “Percy Lapid” sa kanilang dedikasyon sa trabaho na nagbunga ng positibong resulta.
Dahil sa masinop na pangangalap ng ebidensya, naniniwala si Azurin na magkakaroon sila ng “airtight” na kaso laban sa mga suspek upang tuluyang mapanagot sa krimen.
