BUBUKSAN na sa publiko ang itinuturing na pinakamatandang underground reservoir sa mundo, ang El Deposito Reservoir na matatagpuan sa San Juan City kasabay ng pagdiriwang ng Bonifacio Day.
Taong 1882 nang buuin ang underground reservoir na kung tawagin ay El Deposito sa San Juan City.
May kakayanan itong magsuplay ng tubig mula sa San Juan hanggang sa Intramuros.

At batay sa impormasyon, ang tubig na dumadaloy dito ay maaaring inumin noong panahon ng mga Kastila.
Sa mga panahon ng kastila at maging sa World War II, nagsilbing hide out ito ng mga armas ng mga hapon at maging ng mga Amerikano.
Nagsilbi rin ang lugar bilang ospital ng mga may tuberculosis bago ito naabandona pagkatapos ng Second World War.
Ngayong araw, opisyal na bubuksan sa publiko ang El Deposito Underground Reservoir na pangangasiwaan naman ng National Historical Commission of the Philippines.
Kasabay ng pagdiriwang ng kapanganakan ni Gat Andres Bonifacio, pangungunahan ng San Juan City government ang pagpapasinaya sa lugar kasabay ng pagpapaalala sa publiko na huwag kalimutan ang kasaysayan ng bansa lalo na sa mga kalayaang ipinagkaloob ng mga una nating mga bayani.
Samantala, upang matiyak ang seguridad at maayos na pagdiriwang ng kapanganakan ni Gat Andres Bonifacio, nasa mahigit isang libong NCRPO personnel ang ipakakalata sa malalaking bahagi ng Metro Manila katuwang ang force multipliers ng mga kapulisan para sa monitoring ng mga hindi inaasahang pangyayari sa paligid.
Tiniyak ni NCRPO Chief Police Major General Vicente Danao Jr ang kahandaan ng kanilang mga tauhan para sa isang mapayapang pagdaraos ng Andres Bonifacio Day ngayong araw bilang tinaguriang Father of the Philippine Revolution mula sa pananakop ng mga Kastila sa bansa.
“We are prepared for any eventualities but as usual, though we have prepared for the worst case scenario, the expectation of a peaceful and safe celebration remains,” pahayag ni Danao.
