MARAMI sa mga indibidwal, kompanya pati na ang alinmang gobyerno ang nalugi na ng milyun-milyong piso dahil sa scam.
Isang halimbawa na lang dito ang ilang tagahanga ng sikat na artist na si Taylor Swift.
Gumastos ng mahigit P50-K habang ang iba ay halos P100-K makakuha lang ng ticket para sa concert ng singer sa Singapore.
Ang sistema, nai-scam diumano sila nang makapagbayad ng ticket online dahil hindi na nila makahagilap ang kanilang katransaksiyon.
“Nakusap ko po ‘yung isang officer po nila doon (PNP-ACG) si Col. Jay Guillermo para i-check kung mayroon silang natanggap na reklamo relating to this. According to him ay mayroon silang natatanggap na mga complaint relating nga po doon sa scam sa Taylor Swift Concert. Aalamin pa natin ‘yan at according to him ay may tatlong reklamo na silang nari-receive,” ayon kay Col. Jean Fajardo, Chief, PNP-PIO.
Nito lamang nakaraang araw, halos sunud-sunod ang mga nagpo-post ng kanilang reklamo sa social media matapos silang na-scam para lang makakuha ng ticket at mapanood ang kanilang iniidolo.
Batay sa impormasyon, mahigit 100 Filipino fans ni Taylor ang na-scam na nagkakahalaga umano ng P15-M na natangay ng mga suspek.
Batid ng mga awtoridad ang kagustuhan ng publiko na gumastos para lamang masilayan ang kanilang mga nais na artista o mang-aawit pero dapat anila, mag-ingat ang publiko sa pakikipagtransaksiyon lalo na sa internet o social media.
“Reminder po sa ating mga kababayan na mag-ingat po sa pagta-transact po sa online. Kumuha lamang po sila ng services at iba pang items doon talaga sa registered na mga selling apps para hindi po sila ma-scam,” ani Fajardo.
Perang natangay dahil sa Taylor Swift ticket scam, posibleng hindi na mabawi—PNP PIO
Nang tanungin kung mababawi pa ba ng mga biktima ang kanilang pera?
“Mahihirapan na po siguro, we have to admit that lalo’t kung hindi natin mati-trace kung sino po itong mga grupo behind this scam po dahil sigurado po ay nagde-activate na po kanilang mga accounts para hindi po namin sila mahuli. But, just the same knowing na mandate po ng ACG (Anti Cybercrime Group) ay nakikipag-ugnayan na po sila mga internet services providers like Facebook and other apps po para ma-trace po itong mga accounts ng mga nang-scam po,” paliwanag ni Fajardo.
Ayon sa ulat, hindi lamang sa Pilipinas nakararanas ng ticket scam para sa concert ni Swift dahil maging sa online marketplace sa Singapore na Carousell ay tinanggal na ang lahat ng live listings ng Taylor Swift tickets dahil sa paglaganap ng insidente ng scam.
Hulyo pa noong nakaraang taon nang ma-sold out ang ticket ni Taylor Swift para sa Asian Tour nito, kung kaya’t nagkukumahog ngayon ang ibang Pinoy fans na makakuha ng ticket para sa konsiyerto ng singer.