Joint exploration sa WPS kasama ang China, iginiit ni Senator Padilla

Joint exploration sa WPS kasama ang China, iginiit ni Senator Padilla

PINAKOKONSIDERA ni Senador Robin Padilla na magkaroon ng joint exploration ang Pilipinas at China sa pinag-aagawang teritoryo sa West Philippine Sea (WPS).

Sa halip na magprotesta ay nais ni Senator Robin Padilla na magkaroon ng joint exploration ang bansa sa WPS kasama ang China.

Sa likod ng pang-aangkin ng bansang China ng teritoryo sa WPS ay ipinunto ni Senator Padilla na isantabi muna ang pakikipag-agawan sa kanila.

Payo ng senador, magkaroon na lang sana ng joint exploration sa lugar na likas na mayaman sa langis.

Sa panayam sa senador sinabi ni Padilla na hindi napapanahon para sa katapangan kung kumakalam naman ang sikmura ng mga kababayan.

 “Kung gusto ng China dahil ikaw ang namuhunan, kung gusto mo 60 sayo 40 sa akin. Basta pagkakitaan lang natin siya,” ayon pa ng senador.

Ipinaliwanag din ni Padilla sa media kung bakit sa China makipag-partner ang Pilipinas sa kabila na may ilang mga bansa naman na maaaring isulong ang joint exploration sa WPS.

Ani Padilla tanging ang China lamang ang may equipment para bumutas sa maaaring mapagkuhaan ng langis.

Pangalawa ang China rin ang kagitgitan ng ilong ng Pilipinas sa agawan sa WPS kung kaya’t mas makabubuti para sa atin na ang China mismo makakasama sa exploration sa pinag-aagawang teritoryo basta ang mahalaga ay kumita ang Pilipinas.

 “Huwag tayong maging masyadong matigas kung ang mga kumakalam naman na sikmura ay sikmura ng taumbayan. Mahirap maging matapang masyado na gutom ka kasi ang katapangan na ‘yun ay pangsira ulo,” saad ni Padilla.

Sa panayam ay pinunto rin ni Padilla na walang katotohanan na may kinuha na isla ang China na pag-aari ng Pilipinas.

Ang totoo aniya ay kulang sa visibility ang mga sundalo ng Pilipinas sa mga karagatan na pag-aari ng Pilipinas.

 

Follow SMNI News on Twitter