LUMAHOK ang BRP Antonio Luna (FF151) sa War at Sea Exercise (WASEX) na bahagi ng Rim of the Pacific (RIMPAC) exercise 2022 sa Hawaii nitong Linggo.
Sa kasagsagan ng WASEX, ang BRP Antonio Luna kasama ang iba pang barkong pandigma ay nag-ensayo sa large-scale live maneuver at pagprotekta sa Carrier Strike Group mula sa kalabang pwersa na naglunsad ng anti-ship operations.
Nabatid na naging papel ng BRP Antonio Luna ang pagtukoy at pagharap sa mga kalaban, kung saan nahasa ang kakayahan nito sa komunikasyon lalo na sa pagsasagawa ng joint interoperability.
Ang pagsasanay na ito ay higit pang nagpaunlad sa kakayahan ng Philippine Navy frigate na ipagtanggol ang sarili laban sa mga banta sa karagatan at karanasan sa large-scale formations tulad ng Carrier Strike Group operations.
