NASA Pilipinas na ang kakaibang cleaning technology mula sa Japan na photocatalyst coating.
Kilala ang mga Japanese bilang malinis sa kapaligiran.
Sa patuloy na pagbabago ng panahon tungo sa modernisasyon, nakalikha ang isang Japanese company ng isang cleaning technology na kayang gawing malinis ang isang lugar o bagay ng ilang taon.
At ngayon, maaari na itong masubukan ng mga Pilipino.
Nitong Martes ng gabi, ipinakilala sa madla ang photocatalyst system ng NanoAce Philippines na kayang gawing malinis anumang bagay 24/7.
Ang NanoAce ay isang malakas na layer ng protective photocatalyst coating na na-activate kapag nalantad sa anumang anyo ng liwanag.
“So ito coating solution siya na iniispray at kaya namin siyang tinawag na naniace dahil napakaliit na particles ito. Even sa mga glasses nagpepenetrate siya. Kapag ini-spray siya at tinamaan siya ng light, pinapatay niya na ‘yung dumadapong microorganism,” ayon kay Honey Iwamoto, NanoAce Philippines, CEO, President.
Kapag nailapat na sa mga surface, ang NanoAce ay mayroong self-cleaning effect para linisin ang lahat ng mapaminsalang substance, virus, bacteria, at molds.
Swak na gamitin ang nasabing teknolohiya sa mga ospital, pampublikong transportasyon, pang-industriya at pang-agrikulturang pasilidad na nangangailangan ng mataas na pamantayan ng kalinisan.
At sa maniwala ka’t sa hindi, magiging malinis ang pagagamitan nito ng ilang taon.
“Generally speaking for surfaces that you do not normally touch such as walls, they last for more than 5 years,” ayon kay Hideaki Suzuki, Chief Operation Officer, NanoAce Philippines.
Pero ang tanong, ligtas kaya ito sa kalusugan ng mga tao?
Ayon sa NanoAce Philippines gumagamit sila ng green technology.
“Hindi siya harmful sa health. Kasi ang main component niya ay titanium dioxide which we use also in food, sunscreen, make-up’s. Kaya sobrang organic po niya,” dagdag ni Honey Iwamoto.
Bukod sa photocatalyst coating services, mayroon din silang ready-to-go na mga produkto na puwedeng dalhin kahit saan man magpunta.
“Now that the NanoAce solution is being introduced in our country, we hope that we will be able to mitigate the negative effect of COVID-19 and even other viruses and bacteria’s,” ayon kay PLGen. Rhodel Sermonia, PNP.