Kalagayan ni Senador Marcoleta, bumubuti na; senador, “fit to travel” na

Kalagayan ni Senador Marcoleta, bumubuti na; senador, “fit to travel” na

Pinatawag ng Sandiganbayan Third Division, na humahawak sa plunder case ni Senador Rodante Marcoleta, ang mga pangunahing opisyal ng PNP-CIDG NCR at PNP General Hospital.

Ito ay matapos utusan ng korte ang dalawang tanggapan na magsumite ng magkahiwalay na ulat tungkol sa kustodiya, detensyon, booking process, at pinakahuling kalagayan ng kalusugan ni Marcoleta.

Nasa kustodiya pa rin ng PNP-CIDG ang senador dahil sa kaniyang kondisyon at nananatiling naka-confine sa PNP General Hospital.

Iniulat ni PNP General Hospital Chief of Internal Medicine Police Lieutenant Colonel Benaly Bayani sa korte na “fit to travel” at “fit to appear in court” na si Marcoleta.

Gayunman, inirekomenda ni Bayani na iharap lamang siya sa korte matapos makumpleto ang pitong araw na pag-inom ng antibiotics sa July 15.

Ayon sa ulat, may pneumonia ang senador. Nakaranas din umano ito ng mataas na blood pressure, pananakit ng dibdib, pananakit ng batok, at iba pang karamdaman.

Kinuwestyon naman ni Sandiganbayan Third Division Associate Justice Ronald Moreno kung bakit pinayagang makabisita kay Marcoleta sina Vice President Sara Duterte at Senador Robin Padilla at walang suot na facemask.

Nilinaw ni Moreno na wala silang pagtutol sa pagbisita ng dalawa at nagaalala lamang sila sa seguridad at kalusugan ng senador.

Aniya, ang nais lamang nilang malaman ay kung bakit pinayagang bumisita ang mga ito gayong may rekomendasyon ang ospital na i-isolate si Marcoleta dahil sa kaniyang kondisyon.

Ipinaliwanag naman ni Bayani na nasa PNP Health Service ang pagpapasya sa aspetong medikal ng pasyente.

Habang nasa PNP-CIDG ang pagpapasya sa seguridad at kung sinu-sino ang maaaring bumisita.

Dahil dito, pinatawag ng korte si PNP Health Service Chief Police Brigadier General Portia Manalad upang magpaliwanag.

Humingi naman ng paumanhin si Manalad sa korte sa naging lapses ng kanilang tanggapan.

Nilinaw niya sa media na humingi siya ng paumanhin dahil hindi niya naipaalala na kailangang magsuot ng face mask ang Bise Presidente habang bumibisita.

‘’I am just saying the lapses that i forgot to say na kailangang nakamask sila because of the condition of the senator,’’ ayon kay PBGen. Portia Manalad, Chief, PNP Health Service.

Sa paglilinaw naman ng PNP-CIDG sa media, sinabi nitong pinayagan nilang makabisita sina Vice President Duterte at Senador Padilla dahil ito mismo ang kahilingan ni Marcoleta.

Nilinaw rin ng CIDG na maliban sa pamilya at mga abogado ng senador, sina Duterte at Padilla lamang ang pinayagang bumisita.

‘’Ang daming gustong pumunta, friends and others relatives, yong mga supporters niya but then again, we see it na may restriction… at limited time lang,’’ saad ni PCol. John Guiagi, PNP CIDG NCR.

Sinabi rin ng CIDG na naka-face mask sina VP Sara at Senator Robin nang pumasok sila sa ospital, taliwas sa naunang pahayag ni Manalad.

‘’Doon sa pagpasok naman nila naka-face mask naman pagpasok nila. Sa labas lang nila walang face mask…. may face mask ’yon,’’ ani PCol. John Guiagi, PNP CIDG NCR.

Inatasan ni Sandiganbayan Third Division Associate Justice Karl Miranda ang PNP General Hospital na magsumite ng notarized medical report tungkol sa kondisyon ng senador araw-araw.

Inaatasan naman nito ang UP Philippine General Hospital na magsagawa ng medical examination kay Marcoleta sa loob ng tatlong araw mula sa pagtanggap ng abiso.

Matapos ang pagsusuri, kailangan nitong magsumite ng ulat at rekomendasyon sa loob ng tatlong araw, partikular kung kinakailangan pa bang ipagpatuloy ang pananatili ng akusado sa PNP General Hospital.

Samantala, pinayagan na rin ng Sandiganbayan Third Division na ma-consolidate ang kasong paglabag sa Presidential Decree No. 46 o ang pagbabawal sa pagtanggap ng regalo ng isang public official sa plunder case ni Senador Marcoleta.

Follow SMNI NEWS in Twitter