Karagdagang 700-k doses ng Pfizer vaccine, dumating na sa bansa

Karagdagang 700-k doses ng Pfizer vaccine, dumating na sa bansa

DUMATING na sa bansa ang karagdagang 700-k doses ng Pfizer vaccine.

Ayon kay National Task Force against COVID-19 Chief Implementer and vaccine Czar Secretary Carlito G. Galvez, nasa kabuuang 66.9-M doses na ng bakuna kontra COVID-19 ang tinanggap na ng Pilipinas simula February 2021.

Sa bilang na ito kabilang na ang 728,910 doses ng Pfizer COVID-19 vaccine ang dumating na kagabi sa bansa .

Ang mga naturang bakuna ay sakay ng Air Hongkong Flight LD 456 na dumating pasado 9:00 kagabi sa Ninoy Aquino International Airport Terminal -3.

Una nang ibinaba sa Cebu ang 51,480 doses ng naturang bakuna habang nakatakdang ibiyahe patungong Davao City ngayong-araw, Biyernes ang 92,430 doses na bakuna ng Pfizer.

Ayon naman kay Sec. Galvez inaasahan na mas marami pang COVID-19 vaccine Pfizer ang inaasahan sa susunod na buwan ng Octubre.

‘’Actually sa mga next deliveries natin we will be increasing 2 million by next delivery by October, 5.6 M we will receiving of the Covax Pfizer,’’ayon kay Sec. Galvez

Dagdag pa ni Galvez nasa kabuang 11 million doses ng Pfizer vaccine ang tinanggap na ng Pilipinas.

Ayon pa sa kalihim itinuturing na matagumpay ang ginawang bakunahan sa Metro Manila kung saan umabot na sa 86% na populasyon dito ay tumanggap na ng first dose habang nasa 66% naman ang nasa second dose.

Target ng pamahalaan na bago matapos ang buwan ng Oktubre ay nakamit na ang 80% sa Metro Manila, Davao at Cebu ang nabakunahan na.

Tinututukan na rin ngayon ang Region 3 at Region 4-A kung saan target naman na mapantayan nito ang vaccination program sa mga major city na nabanggit.

Nasa kabuang 27,225,060 ang confirmed deliveries ng COVID-19 vaccines para sa buwan ng September.

SMNI NEWS