Kaso ng COVID-19 sa NCR, inaasahang bababa sa 4-K sa katapusan ng Setyembre —OCTA

Kaso ng COVID-19 sa NCR, inaasahang bababa sa 4-K sa katapusan ng Setyembre —OCTA

SA kabila ng banta ng COVID-19  sa National Capital Region (NCR), ipinaalam ng OCTA Research Group na inaasahang mas bababa sa 4,000 ang kaso nito sa katapusan ng Setyembre.

Sa pulong balitaan, inihayag ni OCTA Research Fellow Dr. Guido David na inaasahang bababa ang kasong naitatala sa buong bansa partikular na sa Kalakhang Maynila ngayong katapusan ng buwan.

Inaasahan naman nito na bababa sa 3,000 hanggang 2,000 ang active cases sa buwan ng Oktubre.

Aniya, bagama’t bumababa ang kaso sa NCR, mayroong pa ring  rehiyon ang nakikitaan ng pagtaas ng coronavirus disease tulad ng Region 2 at Region 5.

Sinabi pa ni Dr. Guido, less than 1 o nasa 0.99 ang reproduction number sa Metro Manila mula sa 1.11, ibig sabihin nito na ang average cases ngayong linggo ay nasa mahigit 4,600 na lamang kung ikukumpara noong nakaraang linggo na umabot sa mahigit 5,800.

Ani Guido, malaki ang binawas nito na aabot sa mahigit 1,200 cases.

Sinabi pa ng OCTA Research Group na hindi lamang ang Metro Manila ang nakitaan nila ng improvements sa pagbaba ng mga kaso ng COVID-19

Binigyang diin pa nito, nagsisimula pa lang aniya ang pagbaba ng kaso kung kaya’t hindi dapat aniya maging kampante at kailangan patuloy pa rin sa pagsunod sa minimum health protocols dahil iilan pa rin sa mga rehiyon ay tumataas pa rin ang bilang ng mga tinamaan ng virus.

Kasabay nito, ibinahagi naman ni Dr. Guido na ang pagbaba ng kaso sa NCR ay dahil na rin sa epekto ng ipinatupad na granular lockdowns at alert level sa mga lugar na mayroong na may COVID-19 positive.

Matatandaang, Setyembre 11 nang makitaan ng pagtaas ng reproduction number sa buong bansa na umabot sa mahigit 26,000 kung saan 8,000 sa NCR.

Aniya, nagsisimula na ang recovery process sa bansa laban sa COVID-19 habang pagdating naman sa pagluluwag ng restriction, ito ay magdedepende sa level ng hospitalization at kailangan pa itong pag-aralan sa katapusan ng buwan.

Isa sa mga pananaw ng OCTA na dapat ng subukan sa ibang rehiyon ang nasabing granular lockdown at ang mga alert level system upang dahan-dahang bumaba ang transmission ng sakit.

SMNI NEWS