MAY posibilidad na mababalewala ang kaso ng smuggling at hoarding ng mga agri products sa bansa.
Ito ang sinabi ni Rep. Nicanor Briones dahil nakasaad sa umiiral na batas ngayon na ang Bureau of Customs (BOC) pa rin ang may kapangyarihang mag-iimbestiga, maghain at sumusubaybay sa kakaharapin nilang kaso.
Sa panayam ng SMNI News, sinabi ni Briones na alam ng mga sangkot ang naturang batas kaya kampante ang mga ito na lalamig din ang naturang isyu matapos nilang sabihin sa ginawang hearing sa Kamara na sinasabotahe lamang ang kanilang transaksiyon.
Naniniwala rin si Briones na mayroon silang kasabwat na taga Department of Agriculture (DA) at BOC.
Suhestiyon din nito na, mainam na magkaroon ang mga magsasaka ng cold storage para hindi mapilitan ang mga ito na ibenta sa mga traders ng mas murang halaga ang kanilang mga produkto.
