Japanese shipping companies, tiniyak ang patuloy na pagkuha ng Filipino seafarers

Japanese shipping companies, tiniyak ang patuloy na pagkuha ng Filipino seafarers

TINIYAK ng Japanese shipping companies ang patuloy na pagkuha ng Filipino seafarers.

Kaugnay rito, inihayag ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. na highly-skilled Filipino seafarers ang papasok sa maritime companies ng Japan.

Nakipagpulong si Pangulong Marcos kasama ang Chief Executive Officers (CEOs) ng iba’t ibang Japanese shipping companies at kanilang counterparts mula sa Philippine private sector sa Tokyo, Japan.

Sa naturang meeting nitong Pebrero 9, tiniyak ng mga Japanese shipping company kay Pangulong Marcos na patuloy silang kukuha ng Filipino seafarers para magpatakbo ng kanilang mga sasakyang pandagat.

Kasabay nito, ay pinasalamatan ng Japanese shipping companies ang gobyerno ng Pilipinas sa pagsuporta sa mga hakbangin upang mapabuti ang mga kasanayan at expertise ng sea-based laborers sa bansa.

Ayon kay Junichiro Ikeda, presidente ng Japanese Shipowners’ Association (JSA) at chairman ng Mitsui OSK Lines, mahalaga at malaki ang papel ng mga Pilipinong marino sa Japanese shipping industry.

Kaya naman, hiniling ng JSA ang tulong at katiyakan kay Pangulong Marcos para sa tuluy-tuloy na pagpapadala ng professional at well-trained Filipino seafarers.

Dagdag pa ni Ikeda, inaasahan din nila na ang kalidad ng pamantayan ng mga Pilipinong marino ay patuloy na uunlad, lalo’t patuloy na nagsusumikap ang Philippine government para makamit ito.

PBBM, tiniyak na highly-skilled Filipino seafarers ang papasok sa maritime companies ng Japan

Bilang tugon, sinigurado naman ni Pangulong Marcos na makikipagtulungan ang Pilipinas sa JSA para matiyak na highly-skilled ang mga Pilipinong marino na papasok sa maritime companies ng Japan.

Kaugnay nito, kinilala at ipinahayag naman ng Pangulo ang kanyang pagpapahalaga sa mga pamumuhunan na ginagawa ng Japanese shipowners sa maritime training schools na matatagpuan sa Canlubang, Laguna at Bataan, na nakapagtala ng 1,200 kadete kada paaralan bawat taon.

Ayon pa sa Chief Executive, ang pagkuha ng Filipino cadets ng Japanese shipowners ay nagtitiyak sa sustainability ng manpower resource pipeline ng bansa.

Japan Desk, upang mapabilis ang komunikasyon ng Japanese shipowners at land-based employer, itatatag

Nabanggit din ni Pangulong Marcos na magtatatag si Department of Migrant Workers (DMW) Secretary Susan Ople ng Japan Desk sa Office of the Secretary upang matiyak ang mas mabilis na komunikasyon at koordinasyon sa pagitan ng mga Japanese shipowners at land-based na employers sa bansang Japan.

Mababatid na kamakailan lang ay lumikha ang DMW ng isang International Advisory Committee on Global Maritime Affairs, na nagpapakita kung gaano kahalaga ang mga Filipino seafarer sa parehong domestic at international labor markets.

Ang DMW, Department of Transportation (DOTr), Commission on Higher Education (CHED), at Maritime Industry Authority (MARINA) ay tumatanggap ng direktang patnubay mula sa Office of the President kung paano palakasin ang competitiveness ng Filipino seafarers at pag ibayuhin ang kanilang maritime education at skills training.

Samantala, nagpasalamat ang JSA sa Philippine government sa pagsuporta sa matagumpay na operasyon ng Japan-backed maritime training schools at mga pasilidad sa bansa.

 

Follow SMNI News on Twitter