Kasunduan sa urban farm sa Smokey Mountain sa Tondo, inilunsad

OPISYAL nang pinirmahan ng mga kinauukulang ahensiya ang kasunduan sa pagpapatayo ng urban farm sa isang komunidad sa Smokey Mountain sa Tondo, Maynila.

Nilagdaan ngayong araw ng Presidential Anti-Corruption Commission o PACC, Department of Agriculture at ng Manila Police District Office ang naturang urban farm project.

Ayon kay PACC Commissioner Greco Belgica, layon ng proyekto na matulungan ang mga residente sa nasabing lugar na magkaroon ng alternatibong pagkukunan ng pagkain lalo na’t nagpapatuloy pa rin ang pandemya sa bansa.

Isang paraan din aniya ito upang hikiyatin ang mga naninirahan sa Metro Manila at maging sa iba pang urbanized cities na magsimula ring mag-urban farming.

Kaugnay nito ay namahagi ng mga relief goods at binhi ng pananim ang mga ahensya sa mga residente sa naturang lugar kasabay ng ginawang MOA signing.

Nagsagawa rin ng anti-terrorism at anti-drug forum ang Armed Forces of the Philippines at ang Philippine Drug Enforcement Agency upang magkaroon ng edukasyon ang mga residente ukol dito.

Ayon pa kay Belgica na kabilang sa nire-recruit ng mga makakaliwang grupo ay mula sa naturang komunidad ng Smokey Mountain ngunit dahil sa mga programa ng Administrasyong Duterte ay natigil na ang operasyon ng CPP-NPA-NDF sa lugar.

Sa kabilang banda, kaugnay sa laban sa terorismo, kurapsiyon at iligal na droga ng bansa, sinabi ni Belgica na mas paiigtingin pa ito sa nalalabing termino ni Pangulong Duterte.

Aniya, kinakailangan ding sabay na palakasin ang justice system ng bansa.

Ayon din sa commissioner, inaasahan ang pagdami ng mga kawani ng gobyerno na masasangkot dito dahil nalalapit na ang eleksyon.

Ngunit tiniyak nito na patuloy itong tututukan ng PACC.

Hinikayat naman ng commissioner ang publiko na maglakas loob sa pagsumbong dahil handa ang ahensiya na umaksyon para dito.

Samantala, umabot sa 9,000 na reklamo ang natanggap ng tanggapan ng PACC noong nakaraang taon.

Kaugnay nito, umaasa si Belgica na maipagpatuloy ng susunod na administrasyon  ang mga programa ng Administrasyong Duterte laban sa naturang mga isyu.

SMNI NEWS

Leave a Reply

Your email address will not be published.