HUMILING ang Federation of Philippine Industries sa pamahalaan na ipasara din ang iba pang ilegal na lead smelters o nagsasagawa ng proseso ng pagtutunaw ng tingga sa gamit na mga baterya.
Ito ay kasunod ng matagumpay na pagpapasara sa ilang ilegal na kompanya sa San Simon, Pampanga na walang permit mula sa gobyerno.
Ayon kay FPI Chairman Dr. Jesus Arranza, sumulat siya sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) na ipagpatuloy ang pagtugis sa mga ilegal na nagre-recycle ng mga gamit na tingga.
Sinabi ni Arranza na mayroon pang kompanyang ilegal na gumagawa nito sa Valenzuela, Tondo sa Maynila, Tarlac, Cavite, Cebu, at Davao.
“Gawin natin itong permanenteng sistema upang sa ganoon walang umusbong na mga iligal sapagkat nababantayan nang husto,” saad ni Dr. Jesus Arranza, Chairman, Federation of Philippine Industries.
Kabilang sa paglabag na ginawa ng mga kompanyang ipinasara ay ang kakulangan ng tamang pasilidad na iniutos ng ilang batas upang makapag-operate sa pagre-recycle ng tingga kabilang ang Clean Air Act, Clean Water Act, at Hazardous and Nuclear Wastes Act.
“Ito ay hindi sumusunod. So kapag hindi sumusunod hindi lamang sa nakakasira sila sa mga buhay, sa mga bata, lason iyan eh. Tingga is poison, hindi lang nakakalason ang tubig, pinapatay din nila ang mga lehitimong kompanya na sumusunod sa batas. Batas na iniiwasan na magkaroon ng lason ang kapaligiran natin,” dagdag ni Arranza.
Bukod sa lugi aniya ang mga lehitimong kompanya ay maging ang gobyerno ay lugi rin dahil hindi nagbabayad ng tamang buwis ang mga ilegal na lead smelters.
Dagdag pa ng opisyal na dahil sa mga ilegal na mga kompanya, maraming mga foreign investor ang umaatras na mamuhunan sa bansa.
“Kung gusto natin na maghikayat ng investors, siguraduhin natin na enough ang protection natin sa hinihikayat na maging investor sa ating bansa,” aniya.