Kontraktor ng proyektong nakasira sa Marikina Bridge, napagsabihan ni Mayor Teodoro

Kontraktor ng proyektong nakasira sa Marikina Bridge, napagsabihan ni Mayor Teodoro

NAPAGSABIHAN ni Marikina City Mayor Marcy Teodoro ang mga tauhan ng DPWH-NCR at kontraktor ng drainage project sa kanilang siyudad na umano’y nakasira sa sidewalk approach ng Marikina Bridge.

Maagang nag-inspeksyon nitong Huwebes ng umaga si Mayor Teodoro.

Nais kasi nitong matapos agad ang repair sa mga bitak sa sidewalk approach sa southbound ng Marikina Bridge.

Ang dahilan ng sira, ang drainage project ng DPWH-NCR sa Sumulong Highway.

“Exponential ang effect nito eh. Yung implikasyon sa kabuhayan, sa pagkabahala ng mga tao dahil lahat ng sasakyan na dumadaan dito dahil alam nila na-damaged yung isang bahagi nito ay may pag-aalala. Kaya may pagbagal ang pagdaan nila sa tulay na ito sa ngayon,” pahayag ni Mayor Marcy Teodoro, Marikina City.

“Ginagawa lahat ng lokal na pamahalaan para maayos sa lalong madaling panahon ang bahagi ng tulay na to para hindi makwestyon o makompromiso ang structural integrity ng buong tulay na daanan ng libo-libo nating kababayang papasok at palabas ng Marikina,” aniya pa.

Pero nakukulangan ang alkalde sa aksyon ng contractor.

Lalo pa’t walang koordinasyon sa city government ang proyekto.

Kaya maagang na-highblood ang alkalde.

“Pag tumagal to, next week magfa-file ako ng kaso sa inyo. Pag finile ko yung kaso, wala na kong pakialam kung mananalo o hindi pero it would be a very strong public statement na may problema dito. Huwag mong sabihin saking matatakot ako kay Secretary Bonoan, hindi. Then kinausap ko na rin si Secretary Bonoan. At sinabi sa akin ni Secretary Bonoan uutusan niya si RD. Inutusan niya, pumunta kahapon pero lahat ng pinag-usapan namin kahapon walang nasunod,” wika pa ng alkalde.

DPWH-NCR, itinangging sila ang nakasira sa sidewalk approach ng Marikina Bridge

Pero sa isang pahayag, mariing tinanggi ng DPWH-NCR na ang drainage project nila ang dahilan ng pinsala sa tulay.

Sa kanilang Facebook post, sinabi ng ahensya na ‘ang matinding pag-ulan ang naging sanhi ng paglambot ng lupa, na siyang nagdulot ng bitak sa bahagi ng sidewalk.’

Ang findings ay batay sa geotechnical investigation ng ahensya.

Agad naman daw ‘nagsagawa ng “backfilling/sand filling” upang maayos ang sidewalk at maging ligtas sa mga dumadaan.’

‘At dahil sa naisaayos na ang lupa na bumaba, sinisimulan na ang pagsasaayos ng sidewalk at inaasahan magagamit at mabubuksan na ang bahagi ng approach ng tulay.’

Tinawag namang kalokohan ni Mayor Teodoro ang pahayag ng DPWH-NCR.

Mayor Teodoro, tinawag na kalokohan ang pagtanggi ng DPWH-NCR sa pananagutan sa Marikina Bridge

“Katawa-tawa, kalokohan, walang kasalanan yung kontraktor? Walang kinalaman yang ginagawa yung construction sa tabi ng tulay na’to? Pag-narito ka pisikal makikita mo ang dahilan eh? Dahil noong panahon na yun hindi pa natapos to eh? Kaya dito pumasok ang tubig. Wala to, wala tong sand fill na to. Noong unang araw na nangyari to,” aniya.

“Eh may tubig na pumasok pero yung tubig na ‘yun pipwedeng mapigilan kung ginawa nila yung tamang construction methodology,” paliwanag ni Teodoro.

Sa ngayon ay patuloy na imomonitor ng alkalde ang isyu para matiyak ang agarang pagtatapos ng repair sa tulay.

Follow SMNI News on Twitter