LUNGKOT at hinagpis ang bumabalot ngayon sa pamilya Basco matapos bawian ng buhay ang kanilang kaanak sa gitna ng pamimigay ng ayuda sa mga residenteng nagmula sa iba’t ibang barangay sa Marikina City.
Ang naturang payout ay isinagawa sa isang gym sa lungsod, sa ilalim ng inisyatiba ng tanggapan ni Marikina mayoral candidate Stella Quimbo.
Ayon sa pamilya, siksikan ang lugar at hindi na halos makagalaw ang mga tao, sa gitna pa ng matinding init ng panahon.
Hindi anila nila inaasahan ang biglaang pagreklamo ni Engin ng paninikip ng dibdib—lalo’t wala naman itong iniindang karamdaman bago ang insidente.
Sa video na kuha sa lugar, makikitang may mga nagmagandang-loob na tumulong kay Engin, ngunit tumagal pa umano bago dumating ang medical team. Sa bandang huli, isinugod si Engin sa Amang Rodriguez Hospital, ngunit idineklara na itong dead on arrival.
Masakit man sa pamilya ang pagpanaw ng isang kaanak, pero tinanggap na rin umano nila ito.
Pero may pakiusap lang ang pamilya ni Engin na itigil na ang pagpapakalat ng mga video at larawan na nakikitang hirap na hirap ito.
“Pinapaabot po namin sa publiko na itigil na po ang pagbivideo sa anak ko. Kasi po para po sa aming pamilya, napakasakit po dahil masyado pong nag-viral ang video ng aking anak. Ipinapakiusap ko po sa madlang people pakibura na po. Napakasakit po dahil biglaan po ang pagkamatay ng aking anak,” ayon kay Gina Basco, Ina ni Engin Basco.
Sa gitna ng umiigting na tensiyon sa politika ng lungsod, mariing pakiusap ng pamilya ni Engin: huwag idawit ang kanilang anak sa anumang layuning pampolitika. Isa lamang umano itong karaniwang mamamayan na umaasang makatatanggap ng tulong at hindi dapat gawing kasangkapan sa anumang agenda.
Hiling din nila na sana’y ito na ang huling insidente na may kailangang masaktan o mawalan ng buhay sa mga ganitong aktibidad ng pamamahagi ng ayuda.
“Huwag na po sana nating gamitin sa politika. Isipin niyo na lang po pati pagkamatay ng anak ko nagagamit sa politika. ‘Yun lang po,” aniya.
Si Engin ang bunso sa anim na magkakapatid ng pamilya.
Sa edad na bente, iniwan nito ang kaniyang asawa at dalawang maliliit na anak kung kaya’t malaking bagay sana ang perang makukuha sa ayuda—ngunit nangyari naman ang hindi nila inaasahan.
“Bunso, minsan pinapagalitan kita, pero mahal na mahal kita. Sino ba naman ang magulang na gustong mawalay sa kanyang mga anak. Dapat po ang maghahatid sa akin sa libingan ay ang aking anak, ngayon ako ang maghahatid sa kanya sa libingan. Kahit ‘di ko nasasabi sa’yo bunso, mahal na mahal ka namin. Kahapon niyakap ako bigla ng aking anak ng mahigpit at sinabing ‘Ma, mahal na mahal kita.’ ‘Di ko alam na iyon na pala ang huling pagkikita namin. ‘Di ko po alam na gano’n na pala ang mangyayari,” aniya pa.
Nauna nang pinadalhan ng show-cause order ng Commission on Elections (COMELEC) si Marikina mayoral candidate Stella Quimbo kaugnay ng umano’y vote-buying sa gitna ng election period.
Bukod kay Quimbo, kabilang din sa mga pinadalhan ng parehong kautusan ang incumbent mayor ng Maynila na si Honey Lacuna, kasama ang 19 pang opisyal, upang ipaliwanag ang mga paratang ng vote-buying at umano’y abuso sa paggamit ng pondo at kapangyarihan ng estado o abuse of state resources.
Sinusubukan naming kuhanan ng pahayag ang panig ni Marikina mayoral candidate Stella Quimbo, pero bigo kami makakuha ng tugon mula sa tanggapan nito.
Bukas naman ang SMNI sa anumang pahayag mula sa kampo ni Congresswoman Stella Quimbo.