Libu-libong Pilipino, nakilahok sa Philippine Expo 2023 sa Japan

Libu-libong Pilipino, nakilahok sa Philippine Expo 2023 sa Japan

NILAHUKAN ng mga Pilipino, mga negosyante at mga personalidad ang katatapos lang na Philippine Expo 2023 na ginanap sa Ueno Park, Tokyo na nagsimula noong Hunyo 9 – 11, 2023.

Ang katatapos lang na Philippine Expo 2023 ay naglalayon na ipagdiwang ang kultura ng Pilipinas at mapagtibay ang mabuting pagkakaibigan ng ating bansa sa Japan sa tatlong araw nitong selebrasyon.

Nakipag-ugnayan ang mga event organizer sa iba’t ibang ahensiya ng gobyerno kagaya ng embahada ng Pilipinas sa Japan, Department of Tourism (DOT), Philippine Retirement Authority (PRA), Ministry of Foreign Affairs (MFA), Department of Migrant Workers (DMW), Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) at iba pa.

Taon-taon, ginaganap ang Philippine Expo at ang tema ngayong taon ay, “Para sa Kapayapaan at Kaunlaran Natin ang Dalawang Bansang Pandagat ay Nagkakaisa sa Isang Puso”.

Libu-libong Pilipino ang dumalo sa Phil-Expo 2023 na ginanap sa Tokyo, Japan

Tinataya na dinaluhan ang event na ito ng libu-libong Pilipino at iba’t ibang lahi sa Japan.

Sa event ay nagkaroon ng meet and greet ang mag-asawang Jessa Zaragoza at Dingdong Avanzado, kasama rin nila si Jayda Avanzado, Kris Lawrence, Aaron Villaflor, komedyanteng si Donita Nose, at iba pa.

Kasama rin nila ang dating tagapagsalita ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte na si Harry Roque.

Nagkaroon din ng cultural competition kagaya ng Miss Philippine Expo 2023 at Little Miss Philippine Expo 2023 na nilahukan ng mga mamamayang half-Filipino at half-Japanese. Ipinakita nila ang iba’t ibang disenyo ng Philippine terno na gawa ng malikhaing Pinoy designers.

Nagkaroon din ng dance battle at karaoke challenge sa pagitan ng Japan at Pilipinas.

Habang unti-unting umaangat ang ekonomiya, ang Philippine Expo ay nagsilbi ring daan para sa mga negosyanteng Pinoy para makilala ang kanilang mga produkto sa Japan.

Kadalasan sa mga produkto ay dry goods, frozen goods, tinapay at iba’t ibang cuisine ng ibang bansa.

Sa huli, nagparating naman ang organizers ng Philippine Expo 2023 ng pasasalamat sa SMNI at kay Pastor Apollo C. Quiboloy sa kaniyang matinding suporta sa nation-building sa pamamagitan ng serbisyo-publiko lalo na sa mga komunidad ng mga Pilipino sa ibang bansa.

Ang Philippine Expo ay nagbigay-daan sa mga Pilipino na maipakita ang pagkakaisa, pagkakaibigan, at pagmamahal sa bayan kahit na nasa ibang bansa.

Follow SMNI NEWS in Tiktok