Mahigit P200K credit card transaction sa Japan, ambagan—defense witness

Mahigit P200K credit card transaction sa Japan, ambagan—defense witness

Dalawang defense witness ang humarap sa impeachment court upang linawin ang magkahiwalay na credit card transactions ni Atty. Manases Carpio sa Japan at Malaysia.

Unang tumestigo si Atty. Anel Martin Antero upang linawin ang kuwestiyonableng gastos umano ni Carpio sa Ginza Inakaya Restaurant sa Japan noong May 19, 2023.

Sa direct examination, sinagot ni Antero ang mga tanong ng depensa tungkol sa naturang transaksyong nakasaad sa forensic report ng prosekusyon.

Ayon kay Antero, hindi lamang sila ni Carpio ang dumalo sa dinner. Kasama rin nila ang iba pa nilang kaibigang abogado at si Maison.

Nag-order umano sila ng tempura at seafood sa naturang restaurant.

Aminado si Antero na ikinagulat nila ang bill na umabot sa mahigit P200,000, na binayaran gamit ang credit card ni Carpio.

Kinumpirma ni Antero na nag-ambag ang bawat kasama sa dinner.

Personal din siyang nagbigay kay Carpio ng P40,000 bilang bahagi niya sa bayarin.

Sa cross-examination, ipinakita ng prosekusyon ang mga litrato at social media post ni Antero upang kuwestiyunin ang lapit ng kanyang ugnayan sa mag-asawang Carpio.

Uminit ang palitan nang kuwestiyunin ng prosekusyon kung maituturing pa ring modest lifestyle ang dinner na umabot sa P200,000.

Agad naman itong tinutulan ng depensa.

Sa kabila nito, nanindigan si Antero na katotohanan ang lahat ng kanyang sinabi sa harap ng impeachment court.

Samantala, sumunod namang tumestigo si Chadrin Parian, ama ng basketball teammate ng anak ni Carpio sa Elite Philippines.

Pinatotohanan ni Parian na ginamit ni Carpio ang kanyang credit card sa pagbili ng sapatos sa Malaysia na nagkakahalaga ng P256,882 para sa mga teammate ng kanyang anak.

Una nang ipinaliwanag ni Parian na kusang-loob na binayaran ni Carpio ang mga sapatos bilang gantimpala sa mga bata matapos manalo sa basketball tournament.

Kinumpirma rin ni Parian na bukod sa mga manlalaro, binilhan din ni Carpio ng sapatos ang ilang magulang at iba pang kasamahan ng grupo.

Iginiit din ni Parian na hindi siya haharap sa impeachment court upang magsinungaling o pagtakpan ang mag-asawang Carpio.

Sa pagtatapos ng pagdinig, natapos na rin ang pagtestigo nina Antero at Parian hinggil sa magkahiwalay na transaksyon ni Carpio sa Japan at Malaysia.

Follow SMNI NEWS in Twitter