Malacañang suportado ang pag-iimbestiga sa umano’y pondo sa troll farms

Malacañang suportado ang pag-iimbestiga sa umano’y pondo sa troll farms

SUPORTADO ng Malacañang ang Senate Resolution No. 768 na layuning mag-iimbestiga sa umano’y pagbibigay ng pondo sa troll farms na gumagawa ng maling balita at maling impormasyon sa social media.

Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, malayang makapag-imbestiga ang Senado dahil independenteng sanga sila ng pamahalaan.

Kaugnay nito humingi rin si Roque sa Senado na imbestigahan din ang mga pang-aatake ng mga troll farm laban sa kanya.

Naniniwala ang tagapagsalita ng pangulo na organisado din ng isang grupo ang mga pang-aatake sa kanya ng mga troll farm.

Matatandaang labin dalawang senador ang pumirma sa isang senate resolution na nais mag-imbestiga sa mga operasyon ng troll farms.

Ang mga lumagda sa resolusyon ay sina Senate President Vicente Sotto III, Senate President Pro Tempore Ralph Recto, Leila de Lima, Richard Gordon, Minority Leader Franklin Drilon, and Senators Nancy Binay, Risa Hontiveros, Panfilo Lacson, Emmanuel Pacquiao, Francis Pangilinan, Grace Poe and Joel Villanueva.

Nagbigay naman ng pahayag si Senator Francis Pangilinan sa mga lumalabas na trollings sa social media.

“Pagsisinungaling ang trolling. Masama ito lalo na dahil sa darating na halalan. Kung mahalal ang bagong presidente at ibang opisyal dahil sa pekeng impormasyon, magkakaroon tayo ng pekeng presidente at opisyal,” ani Pangilinan.

Senator Francis Pangilinan
Senator Francis Pangilinan

“Dapat mag-invest sa totoong farms ng mga gulay at prutas, hindi sa troll farms. Hindi natin pwedeng hayaang ginagamit ang pera ng taumbayan para manira at mang-harass ng mga taong pumupuna sa gobyerno. Masama ito sa demokrasya, lalo na sa papalapit na halalan sa susunod na taon,” dagdag ng senador.

SMNI NEWS