HINDI nababahala ang kampo ni Vice President Leni Robredo kung nangungulelat ito sa pre-election survey sa most preferred potential candidates sa pagkapangulo sa darating na 2022 elections.
Ayon sa tagapagsalita ni VP Robredo na si Attorney Barry Gutierrez, maituturing pa ring “respectable” ang ranggo ng bise presidente sa survey lalo na at hindi naman ito gumagawa ng anumang pamumulitika para sa nalalapit na halalan.
Sa ngayon, hindi nababahala si VP Robredo dahil abala at nakatutok aniya ang bise presidente sa kanyang pagtugon sa COVID-19 pandemic at hindi sa anumang planong-pulitikal.
Iginiit ni Gutierrez na tiwala sila na kung magdedesisyon si VP Robredo na tumakbo sa pagka-pangulo ay bubuti ang puwesto nito sa surveys.
Sinabi rin ng tagapagsalita ng bise presidente na hindi pa nagsisimula ang laban.
Kasabay nito, pinuna ni Gutierrez ang mga nagkalat na tarpaulins at billboards ng ibang ‘presidentiables’.
