Maliliit na negosyante, umaaray sa gitna ng krisis sa enerhiya sa bansa

Maliliit na negosyante, umaaray sa gitna ng krisis sa enerhiya sa bansa

Isinailalim na sa “State of National Energy Emergency” ang buong bansa. Ito ang naging mabilis na tugon ng Malacañang sa banta ng global oil supply disruption na dulot ng gulo sa Middle East.

Sa ilalim ng deklarasyong ito na tatagal ng isang taon, binibigyan ng “green light” ang gobyerno na pabilisin ang pagbili ng fuel stocks at magpatupad ng advance payment para hindi maantala ang pasok ng langis sa bansa.

Layunin nito na matiyak na may sapat na supply ng kuryente, pagkain, at gamot sa gitna ng nagmamahalang presyo. Isang special task force na rin ang binuo para bantayan ang presyo ng mga pangunahing bilihin.

Pero sa kabila ng mga polisiya, tila naiipit sa gitna ang mga maliliit na negosyante.

Anila, sobrang hirap na ng buhay sa Maynila, kaya kung tatagal pa ang krisis na ito, baka mapilitan na silang sumuko.

“Ako pag tumagal, uuwi na lang ako… doon na lang ako,” ayon sa apektadong negosyante (ayaw magbigay ng pangalan).

Dismayado rin ang ilan dahil habang may ayuda para sa mga tsuper ng jeep at sa sektor ng transportasyon, tila bulag anila ang gobyerno sa hinaing ng mga maliliit na negosyanteng apektado rin ng epekto ng oil price hike.

“Katulad ko, andami kong pamilya na tinutulungan… sana lahat matulungan ng presidente natin…” wika ni apektadong negosyante (ayaw magbigay ng pangalan).

Nagbabayad rin naman daw sila ng buwis, bakit parang sila ang laging nakakalimutan pagdating sa tulong.

“Kasi napapakinabangan din ako ng gobyerno… ayuda mula sa gobyerno,” wika ni apektadong negosyante (ayaw magbigay ng pangalan).

Tinabla rin ng isang ale ito ang Palasyo sa pagsasabing walang krisis sa langis at normal pa rin ang lahat.

“Sigurado sila?… ito na nga eh, nangyayari na nga eh,” saad ng apektadong negosyante (ayaw magbigay ng pangalan).

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble