Bilang dating Commandant ng Philippine Coast Guard (PCG), hindi na bago kay Mayor Admiral Artemio Abu ang pagharap sa malalaking hamon sa karagatan, kabilang ang pagprotekta sa teritoryo at maritime interests ng Pilipinas sa West Philippine Sea (WPS).
Mga karanasang hindi niya iniwan sa kaniyang pag-alis sa serbisyo sa Coast Guard, kundi dinala sa kaniyang panibagong tungkulin bilang punong-bayan ng Malvar, Batangas.
“Not too long ago… entrusted to my care,” pahayag ni Mayor Admiral Artemio Abu, Malvar, Batangas.
Sa kaniyang mensahe, inihambing ni Mayor Abu ang kaniyang dating responsibilidad sa karagatan sa kasalukuyang pananagutan sa kanyang bayan.
Kung noon ay mga sasakyang-dagat na nangangailangan ng tulong ang kaniyang inaasikaso, ngayon naman ay mga suliranin sa komunidad gaya ng baha, sunog, at aksidente sa kalsada ang kailangang agarang tugunan.
“My experiences at sea and my responsibilities on land have reinforced one important conviction: that Security becomes truly meaningful when it protects the everyday lives of our people…” paliwanag nito.
Ang mga aral na napulot niya sa paglilingkod sa karagatan, ayon kay Abu, ay may direktang kaugnayan sa kaniyang pamumuno sa lokal na pamahalaan—dahil sa anumang larangan, ang pinakamahalagang misyon ay ang pagprotekta sa buhay ng tao.
Ito rin ang pananaw na kaniyang ibinahagi sa summit sa ilalim ng paksang “Maintaining Maritime Order and International Cooperation: The Philippine Approach,” sa Tokyo, Japan.
Kasama niyang naging resource speaker sina former Japan Coast Guard Commandant Admiral Shuichi Iwanami at Vice Admiral Andrew Tiongson ng United States Coast Guard.
Pinangunahan ang summit ng Sasakawa Peace Foundation at Japan Coast Guard.
“I extend my gratitude… to Sasakawa… Domo arigato gozaimas,” aniya.
Mula sa pagtatanggol sa karagatan at teritoryo ng bansa hanggang sa pagtugon sa pangangailangan ng mga mamamayan, dala ni Mayor Abu sa kaniyang pamumuno ang mga karanasang hinubog ng kaniyang panahon sa PCG.
At sa pagbabahagi niya ng kaniyang karanasan sa international stage, naipakikita rin niya ang pananaw ng isang lokal na punong-bayan sa ugnayan ng seguridad, pamumuno at paglilingkod sa bayan.
