NAIS ni Sen. Jinggoy Ejercito Estrada na patawan ng mas mabigat na parusa, kabilang ang habambuhay na pagkakakulong at malalaking multa, ang mga indibidwal na mapatutunayang sangkot sa game-fixing sa mga propesyunal o amateur sporting event sa bansa.
“Kailangan na itaguyod natin ang tunay na diwa ng patas na paglalaro at kahusayan ng mga atleta sa pamamagitan ng pagpapanatili ng integridad ng sports activities laban sa mga pandaraya at mga katiwalian,” sabi ni Estrada sa katatapos na 2023 Philippine Professional Sports Summit.
Sa unang bahagi ng taong ito, inihain ni Estrada ang Senate Bill No. 1641 o ang panukalang Anti Game-Fixing Act, na layong palawakin ang sakop ng game-fixing upang isama ang point-shaving, game manipulations o anumang kasunduan, aregluhan, kilos o hakbang na ang layon ay maapektuhan ang resulta ng isang laro para sa pagsusugal, pusta o pandaraya sa publiko.
Sa ilalim ng iminungkahing batas ni Estrada, hindi kinakailangan ang aktwal na pagpapalitan ng pera o mahahalagang bagay para maituring na may naganap na krimen na game-fixing. Sa halip, ito ay ituturing na prima facie evidence ng pagkakasala.
Ang mga lalabag ay maaaring makulong ng mula tatlo hanggang 12 taon at pagmultahin ng P1-M hanggang P5-M, depende sa desisyon ng korte. Habambuhay na pagkakakulong o multang mula 10-M hanggang P50-M o pareho ang ipapataw kung ang nagkasala ay bahagi ng isang sindikato.
Kung ang nagkasala ay isang estudyante na menor de edad, ang kaniyang pananagutan ay hanggang sa mga administratibo o disiplinaryong aksiyon ng paaralan o institusyon.
Ang mga propesyonal sa sports na nagkasala sa game-fixing sa pinal na hatol ay hindi na kailanman pahihintulutan na lumahok sa anumang competitive sport.
Parehong parusa ang ipapataw sa mga amateur na nahatulan sa pangalawang pagkakataon.
Kung ang nagkasala ay isang lingkod-bayan, inihalal man o hinirang, maaari silang patawan ng pinakamataas na parusa kasama ang karagdagang perpetual disqualification sa paghawak ng anumang pampublikong katungkulan o trabaho. Sa kaso ng mga dayuhang nagkasala, ang pag-deport sa kanila ay ipapataw lamang kapag natapos na ang kanilang sentensya.
Nais ni Estrada na bawiin ng Games and Amusements Board (GAB) ang mga lisensiya ng mga propesyonal na atleta at iba pang opisyal sa sports na napatunayang sangkot sa game-fixing. Maaari din na magsagawa ng hiwalay na administratibong paglilitis ang GAB para suspendihin o bawiin ang professional license ng sinumang nahatulang lumabag sa iba pang naaangkop na batas, patakaran at regulasyon.
Bukod dito, inaatasan din ang GAB na magtatag ng mga hakbang at mekanismo, kabilang ang paggamit ng teknolohiya at pakikipagtulungan sa mga awtoridad ng gobyerno, pribadong sektor, sports associations at iba pang stakeholders upang bantayan at matukoy ang mga kahina-hinalang gawain at hindi patas na gawi na nagpapahiwatig ng game-fixing.
“Ang pagpapatupad ng batas laban sa game-fixing at pagtataguyod ng propesyonalismo sa sports ay mahalagang hakbang upang matiyak na ang sports ay patuloy na magsisilbing inspirasyon, libangan at maipagmamalaki natin. Ang mga hakbang na ito ay magpoprotekta sa core values ng sports, kapakanan ng mga atleta, interes ng mga tagahangan, sponsors at ang mas malawak na komunidad,” sabi ni Estrada.