SUMUKO ang isang mataas na lider ng New People’s Army (NPA) at kaniyang 9 na miyembro sa Brgy. Bancasi, Butuan City.
Ito’y kasunod ng joint intelligence operation ang 23rd Infantry Battalion (23IB) sa ilalim ng 402nd Brigade, 4th Infantry Division (4ID), at iba pang intelligence units ng Joint Task Force Diamond.
Ayon kay Eastern Mindanao Command (EastMinCom) Commander Lieutenant General Greg Almerol, pinangunahan ang pagsuko ng mga rebelde ni Lino Namatidong, alyas Dahon, Commanding Officer ng Headquarters Force Noncombatant Evacuation Operations (NEO).
Kasamang sumuko ni Namatidong ang kaniyang asawa na si Reyna Namatidong, alyas Miray, Regional Staff, Education and Propaganda at iba pang miyembro ng NPA.
Ibinaba rin nila ang 10 high-powered at low-powered firearms na binubuo ng 3 shotguns, 2 M16 rifles, 2 M203 grenade launchers, 1 AK47 rifle, 1 Carbine rifle, at 1 Garrand rifle.
Muling hinimok ng EastMinCom ang nalalabing miyembro ng NPA na mapayapang sumuko upang hindi nila sapitin ang nangyari sa kanilang mga kasamahan.