PINAALALAHANAN ng embahada ang mga botante sa tamang pagboto ngayong eleksyon sa ika-apat na araw ng ballot feeding sa Tokyo.
Ito ay dahil sa tumaas ang bilang ng mga invalidated votes sa ika-apat na araw ng ballot feeding.
Sa pagpapatuloy ng overseas voting sa Embahada ng Pilipinas sa Tokyo, Japan, muling pinaalalahanan ang mga botante na may karapatan itong bumoto ng isang presidente, isang bise presidente, labindalawang senador at isang partylist.
May kalayaan ding bumoto ng mas mababa sa labindalawang senador ngunit hindi pwedeng sumobra.
Sa pagboto ay maaaring basahin at intindihing mabuti ang mga gabay na nakasulat sa wikang Tagalog at Ingles sa balota.
Huwag pirmahan ang nakasulat na signature of chairman, huwag lagyan ng thumbmark o anumang sulat, huwag lagyan o dikitan ng anumang larawan at siguraduhing hindi magugusot ang balota.
Dapat tandaan na kung ano ang pirma noong nagparehistro ay parehong pirma rin ang gagamitin sa balota upang hindi maging invalid ang boto.
Ang mga balota ay maaaring ipadala sa pamamagitan ng mail o ihulog nang personal ang ballot packet at maaari ding tumungo sa Philippine Embassy kahit walang appointment o sa kahit anumang oras.
Ang pagboto ay isang demoktratikong proseso kung saan ang bawat Pilipino ay may karapatang lumahok at makiisa sa pagpili ng mga susunod na manunungkulan sa ating bansa kaya naman maging maingat at sumunod tayo sa mga gabay sa tamang pagboto.