MAHIGPIT na ipinatutupad ang ‘No Vaccine, No ride’ Policy sa mga bus terminal.
Kung walang bakuna, hindi pwedeng sumakay.
Ang mga bakunado na may kasamang menor de edad hindi rin pinayagan.
Ang mga drivers, problemado din dahil mababawasan ang kanilang pasahero.
Kamot-ulo na lang ang ilang pasaherong nasampolan ng ‘No vaccine, No ride’ policy sa mga pampublikong transportasyon.
Sa mga bus terminal sa Cubao, naghigpit na ang proseso sa pagsakay.

Kung walang bakuna, bawal ang sumakay.
Kaya si Angelo Angeles na uuwi sanang Cabanatuan, problemado.
Dahil hindi pa siya bakunado, hindi pa siya pinapasok ng kanyang employer sa kanyang bagong trabaho.
Uuwi sana siya sa kanila upang magpabakuna, pero hindi na rin siya pinasakay.
May ilan bakunado na pero hindi rin pinayagang makasakay dahil may kasamang bata.
Batay sa Department of Transportaation hindi papayagan ang mga indibidwal may edad 17-pababa, mga senior citizen, mga buntis at mga may comorbidity na sumakay.
Ang mga taxi driver naghigpit na din dahil takot matiketan o pagmultahin.
Pero si Mang Jojo Alfonso umaaray dahil sa ‘No Vaccine, No Ride’ Policy.
Aniya, bawas ang pasahero, bawas din ang kita.
Ilang mga LGUs na din ang naglabas ng ordinansa ukol sa paglilimita sa galaw ng mga unvaccinated.
Kabilang na dito ang San Juan City at Quezon City.
Sa Lungsod ng Maynila naghigpit na din sa mga malls at mga establisymento kung saan bawal pumasok ang walang vaccine card.
Sa Caloocan, Pateros at Marikina naman ay hinahanda na din nila ang kani-kanilang ordinansa.
