KINATIGAN ng Commission on Elections (Comelec) ang grupo nila Villamin bilang lihitimong Magsasaka Partylist.
Sa isang panayam sa SMNI News, idinetalye ng lihitimong paksyon ng Magsasaka Partylist kung paano sila pinaboran ng Commission on Elections.
Humarap ngayong araw sa isang panayam sa Usaping Bayan ang national chairman ng Magsasaka Partylist.

Ito upang ibalita na kinatigan sila ng Commission on Elections matapos magkaroon ng dalawang paksyon ang grupo.
Ayon kay Dexter Villamin, sila ang kinilala ng poll body na makapag sumite ng Manifestation of Intent to Participate para makasali sa 2022 elections.
Ang incumbent congressman ng Magsasaka Partylist ngayong 18th congress ang kalaban ng grupo ni Villamin sa Comelec.
“Fast forward, kalalabas lamang noong November ay nanalo tayo sa comelec at ang sabi ng Comelec maliwanag ika na ang ginawang pagtanggal sa amin ay laban sa konstitusyon at hindi maituturing na valid kung kaya nananatili pa rin akong national chairman ng Magsasaka Party-list. Yun ang sinabi ng Comelec,”ayon kay Villamin.
Ang pinag-ugatan ng reklamo ni Villamin ay nang tanggalin umano sila sa puwesto ng walang due process.
Ito raw ang nilaban nila sa Comelec dahil labag sa rules ng Magsasaka Partylist ang ginawa ng kabilang kampo.
“Ang masakit nito after na manalo ay ang unang ginawa ay ako ay tinanggal bilang national chairman. Yun ang unang ginawa. Nagkaroon ng imbestigasyon sa ginawa niya. Hindi lang ako ang tinanggal niya, lahat ng mga partido na on my side tinanggal niya,” dagdag nito.
Diin din ni Villamin, mas pinili nilang antayin ang desisyon ng Comelec sa kaso sa halip na bulabugin ang kasalukuyang kinatawan nila sa kongreso.
Sa ngayon ay may liham na ang grupo nila Villamin sa liderato ng House of Representatives para paalisin sa puwesto ang incumbent representative group.
Sasabak naman muli ang grupo sa eleksyon at si Villamin ang nagtakda ng mga bagong nominee.
