Mga ganap sa unang bahagi ng Day 44 ng impeachment trial ni VP Sara

Mga ganap sa unang bahagi ng Day 44 ng impeachment trial ni VP Sara

Labing-anim na senador-judges ang dumalo sa Day 44 ng impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte.

Sa pagpapatuloy ng paglilitis, iniharap ni defense lawyer Atty. Mark Vinluan ang kanilang testigong si Atty. Rainer Dela Fuente, isang CPA at Anti-Money Laundering compliance practitioner.

Layunin ng depensa na ipaliwanag ang mga probisyon ng Anti-Money Laundering Law at kuwestiyunin ang mga natuklasang umano’y hindi maipaliwanag na yaman ni VP Sara Duterte at ang ginamit na pamamaraan sa pagsusuri nito.

Dating financial investigator ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) si Dela Fuente at pumasok sa ahensiya noong 2015 bilang Bank Officer II, kung saan humawak siya ng compliance matters at naghanda ng mga ulat para sa mga imbestigasyon ng law enforcement agencies.

Noong 2021, itinatag ni Dela Fuente ang AML Consulting PH na nagbibigay ng serbisyo laban sa money laundering at terrorist financing.

Sa gitna ng pagtatanong ni Vinluan, umapela ang prosekusyon laban sa linya ng pagtatanong ng depensa, na agad namang sinagot ng abogado.

Ipinunto naman ni Presiding Officer Sen. Chiz Escudero na bilang expert witness, maaaring magbigay ng opinyon si Dela Fuente, hindi tulad ng mga ordinaryong testigo.

Samantala, tinanong ni Vinluan si Dela Fuente kung kaya  bang gumawa ng extensive financial investigation sa loob lamang ng dalawang linggo na tila patama sa financial witness ng prosekusyon na si Atty. Alexander Cabrera.

Tinanong din ni Vinluan kung gaano kahalaga ang pagprotekta sa integridad at pagiging confidential ng mga bank account.

Ayon sa testigo, mahalaga ito dahil nagsisilbing daan ang mga bangko sa financial system na dapat mapangalagaan laban sa hindi makatarungang panghihimasok ng estado.

Kaugnay nito ay binasa ni Vinluan ang pahayag ng AMLC na hindi ito ang pinagmulan ng mga dokumentong kalakip sa reklamo ni Antonio Trillanes kaugnay ng umano’y mga bank account ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte.

Tinanong ni Vinluan ang testigo kung nararapat bang humingi ng impormasyon mula sa AMLC ang isang pribadong indibidwal.

Kinuwestiyon din ni Vinluan ang access ng third party sa mga ulat ng AMLC, partikular ang naunang pagkuha rito ni prosecution witness Atty. Alexander Cabrera.

Ayon kay Dela Fuente, AMLC lamang ang may mandato sa pagsasagawa ng financial investigation sa ilalim ng Anti-Money Laundering Act.

Samantala, naglabas ang depensa ng video ng yumaong Sen. Miriam Defensor-Santiago sa panahon ng impeachment trial ni dating Chief Justice Renato Corona.

Makalipas ang ilang minuto, kinuwestiyon nina Senator-judge Erwin Tulfo, Presiding Officer Chiz Escudero at Senador-judge Panfilo Lacson ang kaugnayan ng video sa kasalukuyang paglilitis.

Nilinaw naman ni Escudero na walang kasong money laundering laban kay VP Sara Duterte. Aniya, binanggit lamang ito bilang batayan o ebidensya sa alegasyon ng hindi maipaliwanag at ill-gotten wealth.

Humingi naman ng palugit si Sen. Alan Peter Cayetano kaugnay ng pagpapakita ng ebidensiya ng abogado ng depensa matapos nilang ipalabas ang naturang video clip.

Paliwanag ni Escudero, hindi niya pinipigilan si Vinluan na maglahad ng argumento, ngunit nililinaw lamang na hindi kailangang ipagtanggol ng abogado ang kaniyang kliyente laban sa paglabag sa AMLA dahil wala namang ganitong kasong isinampa.

Nagpalabas ang depensa ng bahagi ng testimonya ni dating Chief Justice Renato Corona sa kaniyang impeachment trial noong 2012. Sa video, sinabi ni Corona na maaaring magkaroon ng chilling effect sa Korte Suprema ang impeachment laban sa isang miyembro nito.

Dito iginiit ni Vinluan na hindi lamang legal kundi politikal din ang impeachment proceedings.

Samantala, posibleng abutin pa ng Disyembre bago makumpleto ng defense team ni VP Sara ang pagharap ng kanilang mga testigo sa impeachment trial.

Follow SMNI NEWS in Twitter