Mga kaso ng mga ‘nagpakilalang aktibista’ vs. gov’t officials, ibinasura ng Ombudsman

Mga kaso ng mga ‘nagpakilalang aktibista’ vs. gov’t officials, ibinasura ng Ombudsman

Ibinasura ng Ombudsman ang kasong isinampa ng dalawang nagpapakilalang aktibista na sina Jonila Castro at Jhed Tamano, na hayagang tinukoy ng NTF-ELCAC na may direktang kaugnayan sa komunistang grupong CPP-NPA-NDF.

Sa ilalim ng Joint Resolution ng Ombudsman, tuluyan nang ibinasura ang mga kasong arbitrary detention, grave coercion, at mga paglabag sa Anti-Torture at Anti-Enforced Disappearance Acts na isinampa nina Jonila Castro at Jhed Tamano  laban sa mga opisyal ng pamahalaan.

Ayon sa Ombudsman, bigo ang mga complainant na maglabas ng sapat na ebidensya upang patunayan ang kanilang alegasyon ng pagdukot.

“[Complainants] failed to discharge such quantum of proofs needed to establish prima facie evidence with reasonable certainty of conviction and substantial evidence against all respondents,’’ ayon sa Joint Resolution ng Ombudsman.

Nagpakilala man silang mga aktibista at tagapagtanggol ng kalikasan, hayagang isiniwalat ng NTF-ELCAC ang kanilang direktang kaugnayan sa CPP-NPA-NDF—na nagbabalat-kayo lamang umano para gamitin ang batas sa kanilang propaganda.

Kabilang sa mga napawalang-sala sa kaso ay sina dating National Security Council Assistant Director General Jonathan Malaya, NICA Regional Director Niño Balagtas, at mga opisyal ng 70th Infantry Battalion ng Philippine Army na una nang idiniin ng dalawa.

Matatandaang noong September 2, 2023, nang mapabalitang nawala sina Castro at Tamano sa Orion, Bataan habang gumagawa umano ng environmental groundwork. Noong September 15, 2023, inihayag ng militar na ligtas ang dalawa at boluntaryong sumuko sa pamahalaan.

Ngunit naging mitsa ng kaso ang naganap na press conference noong September 19, 2023 sa Plaridel, Bulacan. Sa halip na kumpirmahin ang kanilang pagsuko, binaligtad ng dalawa ang kanilang pahayag at isiniwalat sa harap ng media na sila ay dinukot at pinagbantaan umano ng militar.

Bago itong desisyon ng Ombudsman, una na ring ibinasura ng Court of Appeals noong August 2, 2024 ang petisyon nina Castro at Tamano para sa Writ of Amparo o proteksyon, dahil sa kabiguang patunayan na may direktang banta sa kanilang buhay mula sa militar.

Sa kanilang opisyal na pahayag, iginiit ng Legal Cooperation Cluster ng NTF-ELCAC na ang mga desisyong ito ng korte at ng Ombudsman ay patunay na ang alegasyon ng pagdukot ay ginamit lamang bilang propaganda upang pahinain ang kampanya ng gobyerno laban sa insurhensya.

Ayon pa sa NTF-ELCAC, hindi kailanman magiging katotohanan ang isang gawa-gawang akusasyon at walang panggigipit ang makakahadlang sa kanilang mandato.

“The so-called abduction narrative was never established but merely weaponized as propaganda to discredit legitimate government operations…No amount of propaganda can substitute for evidence. No amount of repetition can turn an accusation into a fact. And no campaign of harassment will deter NTF-ELCAC from fulfilling its mandate to protect the Filipino people from the continuing threat of communist armed conflict and advance peace and development in the country,’’ ayon sa Legal Cooperation Cluster (NTF-ELCAC).

Nanatili namang bukas ang hamon ng NTF-ELCAC sa mga kritiko na hayaan ang ebidensya at ang proseso ng batas ang magpasya sa mga ganitong usapin, habang tiniyak ng ahensya na patuloy nilang ipagtatanggol ang mga puwersa ng seguridad na gumaganap lamang sa kanilang tungkulin ayon sa batas.

Follow SMNI NEWS in Twitter