PINURI ni AFP chief of staff General Romeo Brawner, Jr. ang mga tauhan na nagsagawa ng rotation and reprovisioning (RoRe) mission sa BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal kahapon.
Sa isang pahayag, sinabi ni AFP spokesperson Colonel Medel Aguilar na tinukoy ni General Brawner ang matatapang at dedikadong mga tauhan na sakay ng dalawang resupply boat na nagsagawa ng operasyon.
Kinilala rin ni General Brawner ang mahusay na pagpaplano, koordinasyon at pagpapatupad ng misyon ng AFP Western Command (WESCOM).
Habang pinasalamatan nito ang Philippine Coast Guard (PCG) sa kanilang pagtulong sa dalawang resupply boat.
Binigyang-diin ni General Brawner na ang matagumpay na operasyon ay hindi lamang titiyak sa maayos na kalagayan ng mga tauhan sa BRP Sierra Madre, kundi pagpapakita sa buong mundo na determinado ang mga Pilipino na itaguyod ang soberanya at hurisdiksiyon sa Ayungin Shoal.
