Non-confrontational approach, ipaiiral pa rin ng bansa vs China—AFP chief

Non-confrontational approach, ipaiiral pa rin ng bansa vs China—AFP chief

IPAIIRAL pa rin ng bansa ang non-confrontational approach laban sa China ayon kay Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief of Staff General Romeo Brawner, Jr.

Hangga’t maaari, hindi mauuwi sa giyera.

Ito ang pananaw at paninindigan ng pamahalaan kaugnay sa nangyaring water attack ng Chinese Coast Guard (CCG) vessel sa barko ng Philippine Coast Guard (PCG) patungo sanang Ayungin Shoal.

Sa Pulong Balitaan sa Western Command, Palawan nanindigan si AFP Chief of Staff General Romeo Brawner, Jr., na hindi solusyon ang giyera o paggamit ng armas lalo na sa usapin ng agawan ng teritoryo sa West Philippine Sea (WPS).

Matatandaang, hinarang at hindi na tumuloy ang resupply mission team ng Pilipinas patungong Ayungin Shoal dahil sa biglaang pag-atake ng CCG vessel sa barko ng PCG.

Ani Brawner, may water cannon din naman ang PCG vessels ng bansa ngunit hindi ito para sa giyera kundi gagamitin lamang ito sa rescue hangga’t maaari.

Sa kabila ng insidente, itutuloy pa rin ng bansa ang paghahatid ng suplay sa mga sundalo na nakadestino sa BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal sa susunod na linggo

Ayon kay Western Command Commander Vice Admiral Alberto Carlos, hindi puwede na hindi mahatiran ang mga sundalo sa lugar dahil sa posibilidad na maapektuhan ang trabaho ng mga ito sa pagbabantay sa nasabing isla.

 

Follow SMNI NEWS on Twitter

Follow SMNI NEWS on Rumble