NILIMAS ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang mga sasakyan at street vendors na nakahambalang sa daloy ng trapiko sa Roxas Blvd. Service Road ngayong umaga.
Pinaalis ang mga sasakyan at mga electric tricycle na ginawa nang parking area ang isang linya ng nasabing kalsada kung saan ang bike lanes ay hinarangan na.
Hindi rin ligtas sa operasyon ang mga ambulant vendors at maging ang mga indibidwal na ginawa nang tirahan ang mga sidewalk.
Paliwanag ni Usec. Frisco San Juan, dumadami na naman ang mga sasakyan sa kalsada ngayong lumuwag na ang COVID-restrictions kaya kinakailangang i-clear ang mga service roads.
“Ito nagsimula noong ang ating bagong chairman ay nag-utos na mag-resume na ng clearing operations. Dahil sa pagbaba ng alert level natin ay inaasahan na dadagsa na ang mga manggagawa dito sa ating NCR dahil 100% na sa ngayon ang mga ina-allow sa mga establisimyento. Kaya sa pagdagsa ng maraming mga manggagawa ay kailangan ang mga daloy ng sasakyan ay mas mabilis na kaya kinakailangan na talaga na mag-clearing tayo para hindi na lumala ang ating trapiko,” ayon kay Usec. San Juan.
Mahigpit na paalala ng MMDA na ipinagbabawal ang pagparada sa mga sasakyan at maging ang pagtitinda sa mga sidewalks.
Sa ngayon, sinaway at pinagsabihan lang muna ang mga lumabag.
Pero paalala ng MMDA, na kung hindi talaga madala sa usapan, may katapat ng tiket ang mga pasaway o di kaya’y kukumpiskahin na ang kanilang mga paninda o sasakyan.
“Bawal magtinda sa sidewalk. Sidewalk is beyond the commerce of man so kailangan po nating i-clear yan. Ibigay natin sa rightful users ‘yun, sa mga pedestrian kasi wala silang malakaran na sidewalk, sa kalsada sila maglalakad kaya tayo nagkaroon ng buhol-buhol na traffic,” pahayag ni Col. Edison “Bong” Nebrija – Task Force Special Operations (TFSO) and Anti-Colorum Unit.
Diin naman ni Nebrija kaugnay sa mga vendor na hindi tatalima sa batas trapiko ay kukumpiskahin ang kanilang mga paninda.
“Sinasabi namin ngayon warning lang muna pero darating ang panahon na makukumpiska ‘yan. Puhunan ‘yan, usaping sikmura na naman tayo. So, paalala lang namin sumunod sa panuntunan ng batas trapiko,” dagdag ni Nebrija.
