Election areas of concern, pinangalanan na ng PNP

Election areas of concern, pinangalanan na ng PNP

NASA kamay na ng Philippine National Police (PNP) ang listahan ng mga lugar na kailangang bantayan o areas of concern ngayong panahon ng halalan.

Sa eksklusibong panayam ng SMNI News sa tagapagsalita ng PNP na si Police Col. Jean Fajardo, inihayag nito ang mga rehiyon sa bansa na nasa ilalim ng red category.

Ayon sa PNP, kabilang sa mga babantayan ng mga awtoridad at posibleng isailalim sa Commission on Elections (COMELEC) control ang Regions 5, 2, 9 at BARMM.

“Karamihan sa ating mga  nasa red categories diyan ay nasa Bangsamoro Autonomous Region at yung iba po ay nasa Region 5, alam natin na historical data na medyo mainit po ang local elections sa Bicol Region at siyempre diyan din po sa Region 2 at Region 9, yaan po yung mga ares na ‘ika nga na may mga matataas na bilang na nasa red category po,” pahayag ni Fajardo.

Bukod dito, nangako rin ang PNP na tututukan din nila ang nasa orange at yellow category kaugnay sa posibleng pagdagdag o pagbabawas ng security deployment, depende sa sitwasyon na mao-obserbahan ng mga awtoridad sa bawat mga lugar na ito.

Habang naisumite na rin ng PNP sa COMELEC ang iba pang mga lugar na nasa ilalim ng areas of concern category na kasalukuyan na ring biniberipika ng poll body.

Makikita na sa listahan ng PNP na karamihan sa mga kailangang bantayan ay nasa Mindanao at Visayas habang nananatili pa ring mapayapa ang sitwasyon sa lokal na halalan sa Metro Manila.

“Sa Manila, ay wala po tayong red category, na ‘ika nga eh. Karamihan, ‘ika nga sa areas sa Metro Manila ay nandoon po sa Green Category ibig sabihin, we expect a relatively peaceful and orderly elections dito sa Metro Manila although may mga mangilan-ngilan tayong naririnig na palitan ng mga maaanghang na accusations, but,  base on the assessment po even in the previous elections ay wala naman tayong ‘ika nga ay nakikitang magiging problema sa Metro Manila,” ani Fajardo.

Sa Isabela, isang lungsod at tatlong bayan ang binabantayan ngayon ng PNP na kabilang sa  Election Areas with Grave Concern o hotspot habang nasa 11 bayan at isang lungsod din ang naitala naman ng Batangas PNP na kailangan din ng mahigpit na monitoring ng mga awtoridad ngayong halalan.

Sa kabilang banda, inilipat ng PNP ang aabot sa 1,971 na mga tauhan ngayong halalan 2022.

Ito, ayon pa rin kay PNP Spokesperson Police Colonel Jean Fajardo dahil sa kanilang mga tumatakbong kamag-anak sa iba’t ibang posisyon sa gobyerno.

Nais aniya nilang matiyak na mananatiling non-partisan ang pulisya habang tinutupad nila ang tungkulin sa publiko.

Maliban sa 1,971 na pulis, inalis at inilipat din ng yunit ang 147 field commanders ng PNP.

Sinabi ni Fajardo na ang mga ito ay walang kandidatong kapamilya pero dahil mahigit isang taon na sila sa pwesto at kailangan na sa ibang yunit ng pulisya.

BASAHIN: Eleksyon ngayong Mayo, hindi matitiyak kung magiging payapa – PRRD

Follow SMNI News on Twitter