MIF bill, pipirmahan ni PBBM kapag natanggap na ang kopya ng panukala

MIF bill, pipirmahan ni PBBM kapag natanggap na ang kopya ng panukala

PIPIRMAHAN ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. ang Maharlika Investment Fund (MIF) bill kapag natanggap na ang kopya ng panukala.

Nitong umaga ng Huwebes, dinaluhan ni PBBM ang 85th Anniversary Celebration ng Securities and Exchange Commission (SEC) sa Makati City.

Pagkatapos ng event ay nagpaunlak ng panayam ang Pangulo sa media at isa sa sinagot nito ang patungkol sa MIF bill.

Tiniyak ni Pangulong Marcos na kaniyang lalagdaan ang MIF bill oras na matanggap na niya ang kopya nito.

Kinumpirma ito ng Pangulo sa isang media interview kasabay ng pagdalo nito sa pagdiriwang ng ika-85 anibersaryo ng SEC.

Sinabi pa ni Pangulong Marcos na pipirmahan niya ang proposed bill na lumilikha ng MIF sa lalong madaling panahon kapag nakarating na ito sa kaniyang opisina.

Inilahad pa ng Pangulo na kailangan pa niyang tingnan ang pagbabagong ginawa sa inaprubahang bersiyon ng Kongreso ng panukalang sovereign wealth fund.

Batid ng Punong Ehekutibo na ang karamihan sa mga pagbabago na iminungkahi sa panukala at pinagtibay sa kalaunan ay talagang may kinalaman sa safety at security ng mga pondo ng pensiyon ng mga tao.

“I will sign it as soon as I get it. Am I happy, well that is the version the House and the Senate has passed and we will certainly look into all of the changes that have been made. I think most of the changes that were proposed and that were eventually adopted really had to do with the safety and the security of people’s pension funds, ‘dun nag-alala ang tao,” ayon kay Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr.

Binigyang-diin ni Pangulong Marcos Jr. ang kahalagahan ng paghirang ng mga mahuhusay na tagapamahala ng MIF bilang sikreto sa tagumpay ng sovereign fund.

Karamihan kasi aniya sa mga problema sa mga pondong ito ay karaniwang nagmumula sa mga tagapamahala.

“The key to the success of any fund, hedge fund, pension fund, sovereign fund, investment fund is the management. Of course all of these things can happen, we’ve seen them happen before because the management chose for it happen. Ito mga eskandalo na nakikita natin sa ibang lugar. On the other hand, we see examples of really successful funds and the really the difference is the management,” dagdag ni Pangulong Marcos.

Ipinunto rin ng Pangulo ang kahalagahan ng pagiging ‘independent’ ng pondo mula sa gobyerno.

“One of the first changes that I even proposed to the House was to remove the President as part of the Board, to remove the Central Bank chairman, to remove the Department of Finance because it has to operate as an independent fund, well managed professionally. ‘Yan ang susi diyan,” ani Pangulong Marcos.

Nitong Miyerkules, nilagdaan ni Senate President Juan Miguel Zubiri ang naka-enroll na kopya ng MIF Act.

Pinagtibay ng Kamara ang bersiyon ng Senado noong nakaraang buwan.

Matatandaang pinawi ng Pangulo ang takot ng publiko at tiniyak na hindi gagamitin ng gobyerno ang state pension fund para sa MIF.

Sa ilalim ng iminungkahing panukalang batas, ang MIF ay gagamitin upang mamuhunan sa strategic at commercial activities.

Idinisenyo ito upang itaguyod ang katatagan ng pananalapi para sa pag-unlad ng ekonomiya at palakasin ang top-performing government financial institutions.

Ito’y sa pamamagitan ng karagdagang mga platform sa pamumuhunan na makatutulong sa pagkamit ng priority plans ng national government.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter