UMABOT na sa mahigit 80% ang naabot na target ng Lungsod ng Maynila sa kanilang measles-rubella vaccination drive.
Sa ulat ni Mayor Isko Moreno, nasa 86.7 percent na ng mga bata sa Maynila ang nabakunahan laban sa tigdas at rubella simula nang umarangkada ang “Chikiting Ligtas sa Dagdag Bakuna Kontra Tigdas at Rubella” program noong Pebrero 1.
Samantala, sinabi ni Manila City Health Officer Dr. Arnold “Poks” Pangan na posibleng matapos na ng Manila Health Department (MHD) ang vaccination program sa Miyerkules, Pebrero 17, halos dalawang linggo bago ang kanilang iskedyul.
Sinabi ni Dr. Pangan na makabubuti sa local government na matapos ang measles-rubella vaccination program bago ang pagdating ng COVID-19 vaccines.
Ito ay para aniya lubos na matutukan ng health personnel ng city government ang paparating na COVID-19 vaccination activities.