Nakuryenteng welder sa high tension wire sa Marikina City, himalang nabuhay

Nakuryenteng welder sa high tension wire sa Marikina City, himalang nabuhay

HIMALANG nabuhay sa high tension wire ang isang nakuryenteng welder sa kahabaan ng Bonifacio Avenue, Barangka, Marikina.

Hindi maganda ang sinapit ng isang welder matapos nitong tamaan ang isang high tension wire na sa sobrang lakas ay tumilapon ang biktima papasok sa ginagawang bahay.

Ayon sa kasamahan ng biktima na si Ronald Limpangog na nasa edad 30 pataas, habang wini-welding nito ang C-purlins ng  ginagawang bahay sa Barangka ay hindi nito inaasahan na sa kanyang pag-ikot sa wine-welding nito ay di-sinasadyang natamaan nito ang isang high tension-wire.

Nagtulungan ang mga otoridad ng Bureau of Fire Protection (BFP) at mabilis din na rumisponde ang electrical division ng Marikina para mabigyan ng tulong ang isang nagta-trabaho na nakuryente sa nasabing three story building.

Sa lakas ng pagkakakuryente nito ay nasunog at duguan ang ibang parte ng balat at nag-iwan din ng maraming dugo sa mismong pwestong pinagbagsakan nito.

Dahil sa nangyari, kilo-kilo metrong haba ng linya ng kuryente ang maapektuhan nito, kasama na ang iilang parte ng Quezon City, Marikina, San Mateo, Montalban at iba pa na nakakonekta sa 53 VG na linya.

Sinabi ng ilang residente na himalang nabuhay pa ito, at maswerteng itinilapon ito papasok ng ginagawang bahay ang nakuryenteng welder at hindi sa labas na siguradong ikamamatay nito sa taas ng pagkakakuryente at sa tumatakbong mga sasakyan.

Ayon naman sa tiyuhin ng biktima, si Ronald ang bumubuhay sa kaniyang pamilya kasama na rin ang tiyuhin na dahil sa katandaan ay hindi na ito makapagtrabaho.

‘’Opo malaking tulong yan pati pagkain namin, ako di na ako pwede magtrabaho sa construction, ang medisina siya nagbuhay sa ‘kin,’’ ayon sa tiyuhin ng biktima.

Matapos ang nangyaring insidente ay naayos kaagad ang daloy ng trapiko sa Bonifacio Avenue, Barangka, Marikina.

SMNI NEWS