NAGBABALA ang Department of Trade and Industry (DTI) sa online businesses na nagbebenta ng mga hindi lisensyado, peke, substandard, at ipinagbabawal na mga bagay.
Naglabas ng Joint Administrative Order (JAO) No. 22-01 o ang tinatawag na Guidelines Reiterating the Laws and Regulations Applicable to Online Businesses and Consumers ang DTI.
Katuwang ng DTI ang Department of Health (DOH), Department of Agriculture (DA), Department of Natural Resources (DENR), Intellectual Property Office of the Philippines (IPOPHL) at NPC upang payuhan ang online businesses na sumunod sa mga alituntunin na nilagdaan sa nasabing memorandum.
Sa ilalim ng JAO, ang mga ahensya ng gobyerno ay bubuo ng isang sistema upang makipagpalitan ng impormasyon sa mga ipinagbabawal at kinokontrol na item mula sa online businesses.
Sinabi ni DTI Secretary Ramon Lopez, ang pagpapalitan ng impormasyon sa pagitan ng mga ahensya ng gobyerno at online sellers ay isa sa mga paraan upang mas maging compliance sa pagsunod sa mga nasabing kautusan.
Kagaya na lang ng price tag na kailangang idikit sa mga item na binibili sa mga tindahan at dapat din dinidikit sa mga produktong binibili online.
Ito ay upang hindi na kailangang hingiin pa ng mga mamimili ang presyo mula sa nagbebenta online at para maiwasan din ang private messages o “P.M. Me” na malinaw na labag sa “Price Tag Law.”
Tugon na rin ito ng ahensya dahil sa pagdami ng mga ipinagbabawal na produkto na ibinebenta online partikular na sa mga marketplace platform at social media marketplaces.
Binalaan din ang mga merchant na nagbebenta ng mga produktong hindi lisensyado sa Facebook, Instagram, Viber, Lazada, Shopee at Carousell.
Pinapaalalahanan ng gobyerno ang mga digital platform na tiyakin ang mga merchant na nagbebenta sa mga platform na dapat mayroong lisensya, permit at iba pang mga kinakailangang sertipikasyon depende sa uri ng kanilang negosyo, produkto at serbisyo na kanilang ibinebenta.
Matatandaang, taong 2021 nang makatanggap ang DTI ng higit 12,000 complaints laban sa mga online seller mula sa mga mapanlinlang na produkto, hanggang sa pagbebenta ng mga peke o pirated na produkto, kung saan karamihan dito ay mula sa digital platform at social media marketplaces.
Pinapaalalahanan ng DTI ang mga nagbebenta ng mga ipinagbabawal na produkto na maaring pagmultahin mula sa umiiral na batas na naangkop sa mga brick-and-mortar transactions at pati rin sa online business.