MAYROON na namang big-time oil price hike ang mga kumpanya ng langis simula ngayong araw ng Martes.
Sa abiso ng Pilipinas Shell, Seaoil, Caltex, Flying V at Petron, nasa p7.10 ang taas-presyo sa kada litro ng kanilang gasolina.
Nasa P13.15 naman ang dagdag-singil sa kada litro ng kanilang diesel habang P10.50 sa kada litro ng kanilang kerosene.
May kapareho ring taas-presyo sa gasolina at diesel ang Cleanfuel, Unioil at PTT Philippines.
Pawang epektibo ang price adjustment ng Shell ng alas 6 ng umaga habang ang Cleanfuel at Caltex na alas 12:01 ng madaling araw magiging epektibo.
Ito na ang ika-sampung sunod na linggo na may oil price hike.
Presyo ng gasolina at diesel, maaring umabot ng mahigit P80 – DOE
MAAARI pang tumaas hanggang P86.72 ang presyo ng gasolina kada litro habang P81.10 ang presyo ng diesel.
Ito ay kung patuloy na tataas ang presyo ng krudo sa pandaigdigang merkado.
Inihayag ni Department of Energy (DOE) Undersecretary Gerardo Erguiza Jr., ito ay hindi lamang problema ng executive department kundi ito rin ay problema ng lahat ng sektor ng gobyerno.
Ani Erguiza, may framework na ang DOE para mapababa ang presyo ng langis ngunit aminado na hindi pa nila ito magagawa.
Magugunitang, umabot na sa sampung beses ang pagtaas ng presyo ng langis at maaari pang magtaas sa susunod na linggo dahil na rin sa kaguluhan sa Ukraine at Russia.
Sa ngayon, patuloy na naka-monitor ang DOE sa suplay at kalidad ng produktong petrolyo na pumapasok sa bansa.