Dalawang high-value drug personalities ang arestado sa magkahiwalay na buy-bust operation ng PDEA-9 at iba pang law enforcement units sa Pagadian City noong Mayo 13.
Nasamsam sa dalawang operasyon ang nasa 175 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng mahigit isang milyong piso.
Unang isinagawa ang operasyon bandang ala-1:00 ng hapon sa kahabaan ng Urro Street, Purok Gumamela, Barangay San Jose, Pagadian City
Kinilala ang suspek bilang alyas Yan-Yan, 33-anyos, residente ng Barangay Tuburan, Pagadian City.
Narekober mula sa indibidwal ang 16 na heat-sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng tinatayang 75 gramo ng hinihinalang shabu na may standard value na P510,000 at iba pang drug paraphernalia.
Samantala, ikalawang buy-bust operation naman ang isinagawa bandang alas-5:10 ng hapon sa Purok Madanihon, Barangay Bulatok sa nasabing lungsod.
Naaresto si alyas “Faisal,” 38-anyos, magsasaka at residente ng Barangay Tiniguangan, Dimataling, Zamboanga Del Sur.
Nasamsam mula sa suspek ang 13 heat-sealed transparent plastic sachet at isang knot-tied transparent plastic pack na naglalaman ng tinatayang 100 gramo ng hinihinalang shabu na may standard value na P680,000.
Mahaharap ngayon ang dalawang suspek sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
